Usapang Eski

Madalas kapag ikaw ang naiiwan sa bahay, marami kang naiisip na mga bagay-bagay. Masasabi mong nagiging kritikal ka sa mga usaping napapanood mo sa telebisyon. Para bang ito ‘yung pampalubag loob mo sa sarili na iba ka mag-isip kahit ikaw ang naiiwan sa inyo. Sa sobrang init sa loob ng bahay, iisipin mong lumabas. Makipag-usap sa mga kapwa mong naiwan sa bahay. At magbubuo kayo ng isang diskusyon. Isang espasyo para sa inyo.

Sa dami ng impormasyon hatid ng telebisyon, minsan nalulunod na tayo. Hindi na natin alam ang ibig sabihin ng pagkaunawa at alam. Nagtatalo na minsan ‘yung mga isip natin kung ano nga ba ang totoo sa hindi. Pero sa totoo lang, ganun din naman tayo sa mga taong kaharap natin. Sa labas man o sa loob ng bahay. Tayo man ay parang tv din. May mga tinatago din tayong katangian na hindi natin kayang ilabas sa mga tao. Dahil takot tayo na baka husgahan tayo. O di kaya ayaw lang natin itong ipakita dahil iniisip natin na baka hindi ito angkop sa katangian ng ibang tao labas sa atin.

Kung ganun, mahirap din pala sabihin kung ano ang tunay na katangian ng isang tao. Maliban na lang kung tumira ka rin sa kanyang tirahan. Pakinggan siya oras-oras, araw-araw o bawat sandali ng buhay niya, parang lang maintindihan ang iba’t ibang pamantayan niya sa pagpili ng mga sasabihing salita batay sa kung sino ang kausap niya (Garfingkel, mula kina Giddens at Duneier 2000).

Kaya naman may mga ilang bagay sa paligid na hindi natin dapat sabihin nang mababaw o walang kabuluhan. Dahil bawat pangyayari sa paligid natin, may dahilan o may pinanggalingan. Halimbawa, ang mga tabloid sa mga kanto-kanto. Kalimitan, ang nilalaman ng mga tabloid ay hubad na babae o mga tsismis sa showbiz na mas binabasa ng karamihan kaysa sa mga broadsheet na nakasulat sa ingles. Ngayon, kung sa unang tingin sasabihin natin na mas importanteng basahin ang mga broadsheet dahil mas nilalaman nito ang mga kasalukuyang pangyayari sa atin. At mas mahalagang isantabi ang mga tabloid dahil puro kababawan lang naman ang sinusulat dito. Pero hindi ba katakataka kung bakit mas binabasa ang tabloid kaysa sa broadsheet? Sa ganitong pagkakataon, para sa akin hindi na puwedeng sabihing mababaw ang tabloid. Dahil mas marami pa ang nakikisangkot na tao sa mga nilalamang isyu ng tabloid kaysa sa broadsheet.

Siguro maganda gawan ng pag-aaral ang mga ganitong bagay. Bakit nga ba mas binabasa ng mga tao ang tabloid? Tapos na ang debate tungkol sa kung ano ang makabuluhan o hindi. Dahil bawat bagay ay may kabuluhan. Ang kabuluhan na ito ay binibigay ng mga tao sa isang bagay o pangyayari na para sa kanila ay importante o mahalaga. At hindi natin basta maiintindihan kung bakit nila ito binibigay ng ganitong klaseng halaga, maliban na lang kung mauunawaan natin ng mas malalim ang batayan nila sa pagpili nang importante sa hindi.

Makikita rito ang kahalagahan ng wika. Mas nakakalapit ang tabloid dahil sa wikang bitbit nito. Mas nakakapasok ang mga sinusulat nila sa bawat eskinita dahil sa wika nilang ginagamit. Kung talagang gusto natin makisangkot ang mga tao sa pambansang isyu, dapat isulat ito sa wikang mas tatagos sa kanilang kalooban, mas makakapasok sa mga eskinitang dinadaanan ng mga daga.

Walang pinagkaiba ang ganitong klaseng pag-unawa sa nangyayari sa Aldub ngayon. Marami ang nakikisangkot. Paano mo ito masasabing mababaw? Purket ba nasa labas lang ng akademya ay mababaw na? At kailan pa nagkaroon ng batayan sa mababaw o hindi? Bawat lugar ay may kanya-kanyang kultura. May kanya-kanyang klase nang pagtingin sa mga bagay. Kung marunong tayong tumingin at rumespeto sa iba’t ibang klase pagtingin ng mga komunidad sa mga pambansang isyu malamang mas magiging mabilis ang pag-usad natin.

Pinagbatayan:

Giddens, Anthony at Duneier, Mitchell (2000) Introduction to Sociology 3rd Edition. New York: W.W. Norton and Company, Inc.