55

Sa makabagong panahon, nakakakuha nang mataas na suweldo ‘yung mga taong may karanasan, at nagmula sa mga magaganda eskwelahan. Hindi binabatay sa kung ano ang bigat (pisikal) ng trabaho ang suweldo. Kung susundin natin ang pananaw ng teoryang functionalism, ideyang naniniwala sa kahalagahan ng bawat isa at istruktura para mabuo ang isang lipunan, ibig sabihin pala mas malaki dapat ang binabayad sa mga basurero dahil mas mahirap ang kanilang trabaho, kumpara sa mga white collar jobs na nakaupo lang maghapon sa opisina.

Noong nakaraang linggo, binalita na karamihan sa ating mga magsasaka ay tumatanda na. Nasa 55 taong gulang pataas ang karaniwan nilang edad. Ibig sabihin, wala nang sumunod pa sa kanila magsaka. Kung ganun, karamihan ay nagpupunta sa unibersidad para makipagsabayan sa mga trabahong nasa siyudad, o ‘yung mga “mas tanggap”.

Minsan nakakatuwa rin talaga kung titignan. Bakit kailangan pang magtapos nang apat na taon sa kolehiyo ng isang estudyante kung ang gagawin niya lang pala sa opisina ay mag timpla ng kape at mag photocopy buong maghapon? Edi ba kung nagtapos siya ng 4 year course dapat nasa planning department na siya, o di kaya junior researcher ng isang kumpanya. Hindi tayo nagbibigay ng diskriminasyon sa mga nasa Admin Staff at Clerical Workers dito. Gusto ko lang ipunto kung bakit hindi tumatanggap ang mga industriya ng High School Graduates kung ganito pala ang magiging trabaho. Para naman hindi na tayo mabulag sa unibersidad. Para hindi na ipilit na lahat ng mag-aaral ay kailangan pang makatutong ng kolehiyo para masabing matagumpay. Dahil minsan mas nagbibigay parangal pa ang karanasan kaysa sa diploma.

Nakakabahala para sa ilan, lalo na sa mga taong nasa sektor ng agrikultura. Pero para sa mga industriya hindi. Kung nakatutok pa rin tayo sa mga susunod na taon sa pagpapalawig ng mga industriya, mukhang hindi alarma para sa atin ang pagbaba ng bilang ng mga magsasaka sa bansa. Mauuwi lang tayo sa pag import ng mga bigas mula sa karatig bansa tulad ng Vietnam. Pero, kung nakatuon naman tayo sa pag import ng bigas mula sa ibang bansa, magiging dagdag gastos na naman ito para sa atin. Dagdag buwis na naman. Mahalagang isipin na ang bawat nangyayari sa malaking istruktura, ay nagkakaroon ng epekto sa mga maliliit na istruktura tulad ng ating bahay, at unan na tinutuluan ng laway.

Hindi ko balak patayin ang industriya ng BPO at white collar jobs. Sa katunayan, minsan din akong napabilang sa ganitong sektor. Alam ko ang hirap, at laki nang suweldong kayang ibigay nito. Humihingi lang tayo nang pagkilala sa mga trabahong nabigyan ng hindi magandang imahe dahil sa pagsasawalang bahala sa kanilang kapakanan para umunlad. Kung tayo pa rin ay walang pagmamahal sa pagsasaka, paano na lang ang produksyon natin ng bigas sa mga susunod na taon.

Masaya naman tayo sa paglago ng industriya sa bansa. Malaki ang naitutulong nito sa atin para mabuhay araw-araw. Pero mukhang nakakalimutan natin ang ilang mga bagay na tumutulong para umusad ang mga malalaking industriya na ito. Tulad nga nang nabanggit kanina, may kahalagahan ang bawat istruktura para mabuo ang isang lipunan. Hindi na natin kailangan magpaka nose bleed pa rito sa mga ideya. Simple lang. Tignan ang mga bagay na hindi napapansin.