Ritwal

Mapalad akong nakadalo sa nakaraang “Ako Para sa Bata International Conference” noong 1-2 Disyembere 2016 na in-organisa ng Child Protection Network. Ang tema para sa taong ito ay pinamagatang Stressed? Coping, Recovery, and Healing.

Kung pagbabatayan ang tema, malinaw kung ano ang mensahe para ngayong taon na ito, ang pangalagaan ang ating kaisipan. Ang kalusugang pangkaisipan ay mahalaga aspeto para makapag-isip tayo sa araw-araw. Nakabatay dito ang mga mahahalagang desisyon natin para sa kasalukuyan at hinaharap. Pero ang usapin ng mental health ay hindi lamang dapat iugnay sa usapin ng sarili. Lagi itong nakaugat sa malalaking istruktura ng ating lipunan tulad ng midya, simbahan, paaralan at gobyerno.

Mahalagang usapin ito dahil marami na sa atin ang nababad ngayon sa makabagong pamumuhay. Ang labis na pagkamulat sa teknolohiya at makabagong panahon ang unti-unting naglalayo sa ating bilang tao. Ang problema natin ay hindi lang basta nakasalalay sa usapin nang pag-unlad. Malaking bahagi nito ay ang usapin ng modernisasyon. Tayong lahat ay sangkot. Tayong lahat ay nagiging alipin nito.

Sabi nga ni Emile Durkheim, isang sosyologo, ang makabagong pamumuhay ay nagdudulot ng isang sakit sa lipunan. Maraming aspeto ang sakit na kanyang tinutukoy, pero isa na rito ang usapin ng kawalan ng disiplina. Ang paglimot sa mga nakagawiang disiplina at ritwal ay maaring magdulot ng maraming klaseng tensiyong panlipunan at pansarili.

Isa sa mga tensiyon na ito ay pagbili ng mga tao sa mga bagay na hindi nila kailangan. Dahil dinidikta ng kasalukuyang panahon ang pagbili sa makabagong uri ng gadget, hindi magdadalwang isip ang mga tao na gumasta sa mga ito. Kailangan nilang sumang-ayon para masabi nila sa kanilang sarili na parte pa rin sila ng malaking lipunan. Pero hindi nila namamalayan na ito rin ang unti-unti kakain ng kanilang panahon at oras, at makakalimutan mag muni tungkol sa mga mahahalagang aspeto ng kanilang sarili.

Bukod sa material na bagay, tumataas na rin ang kalidad at labanan sa larangan ng trabaho. Halos dapat lahat ay magkaroon ng masteral at doctorate kung nais mong magturo sa kolehiyo. Kung nasa larangan ka naman ng siyensya, kailangan mo magdaan sa sandamakmak na pagsasanay para lang masabi kang lehitimong nurse o physical therapist.

Kailangan itong gampanan ng isang makabagong indibidwal. Kung hindi nila ito magawa, malaki ang epekto nito sa kanilang kalusugang pangkaisipan. Maari itong mauwi sa depresyon o pagpapakamatay. Sabi nga rin ni Durkheim, ang pagpapakamatay ay hindi lang isang indibidwal na desisyon. Malaki ang kontribusyon ng komunidad at lipunan kung bakit nauuwi ang isang tao sa pagpapakamatay.

Marahil dito na ulit papasok ang aspetong inihain sa atin ni Durkheim, ang disiplina. Pero bukod sa disiplina, maaring din nating buksan ang isipan sa pagpapakumbaba. Puwede naman tayo maging masaya sa maliliit na bahagi ng ating buhay labas sa sinasabi sa atin ng malaking lipunan.

Gusto ni Durkheim na hamunin ang agos na dala ng modernisasyon. Kailangan mangibabaw pa rin sa atin ang pagiging tao. Isa pa sa kanyang nasabi sa kanyang teorya ay ang usapin ng ritwal. Ang mga ritwal ay madalas nating makita sa iba’t ibang uri ng simbahan. Sa Katoliko, nand’yan ang pag luhod sa harap ng mga santo at pagkain ng ostiya. Halos lahat ng relihiyon ay may kanya-kanyang ritwal. Dahil ang mga ito ang isa sa paraan para mapatibay ang kanilang relasyon sa kanilang simbahan at paniniwala.

Pero labas sa simbahan, marami rin tayong mga ritwal na nagpapalakas ng relasyon sa ating komunidad at pamilya. Katulad na lang ng pagmamano at sabay na sabay na pagkain tuwing hapunan. Kaya lamang, dala na rin ng modernong pamumuhay unti-unti itong nawawala. Ang pagmamano para sa ilan ay “jologs” o ‘di kaya nahihiya na sila itong gawin dahil natatakot silang maasar na “sobrang galang mo naman”. Ang sabay-sabay na pagkain ay hindi na rin masyadong nasusunod dahil lumabas na ang maraming fast food.

Ganunpaman, meron pa rin naming mga pamilyang ginagawa ang mga ritwal na ito. Pero karamihan sa atin ay nakakalimutan ang ilan sa mga ito.

Hindi nga biro ang usapin ng kalusugang pangkaisipan. Dito natin ihuhulma ang mga desisyon magtatag sa atin bilang isang bansa. Sa kasalukuyan, marami tayong problema kinakaharap tulad ng droga at krimen. Malaking salik nito ay ang usapin ng ating isipan.

Maganda balikan natin kung saan ba tayo nagsimula bilang isang bansa, bago natin kinaharap ang ganitong klaseng mga problema. Mga panahong hindi pa tayo mulat sa isyu ng droga, marahil doon natin makita ang kaisipang hinahanap natin. Mga ritwal na muling nating madidiskubre. Mga ritwal na nilubog sa limot dahil sa makabagong pamumuhay.