PAGTATAE at ilang repleksyon tungkol sa D.R.G.S

Masarap magbasa nang balita kapag maraming litrato. Masarap magbasa kapag paunti-unti lang ang pasok ng mga mabibigat na impormasyon tungkol sa krimen, ekonomiya at trabaho. Ito ang tungkulin ng social media, ang tigahatid ng mga mabibigat na balita sa pinakamagaan na pamamaraan. Kaya naman maraming nahahatak na mambabasa ang facebook.

Kung papansinin halos lahat ng mga naglalakihang pahayagan sa ating bansa tinutularan ang pamamaraan ng facebook at iba pang social media. Hindi man nawala ang broadsheet at tabloid sa ating mga kanto ng eskinita, nagkaroon naman ang mga pahayang ito nang kani-kanilang social media account. Panay ang update sa mga bagong isyu panlipunan. Kanya-kanya sila ng live broadcast kapag may mga hearing sa senado.

Dito rin mukhang nakuha ng Rappler ang kanilang mambabasa. Malinaw ang kanilang hatak sa mga estudyante. May iba-iba silang paraan kung paano malalaman ang pulso ng kanilang mambabasa sa pamamagitan ng pagbibigay nang iyong pakiramdam sa binasa: happy, sad, angry, at iba pa (emoji ang katumbas sa facebook).

Ang pamamahayag ng emosyon ang uso ngayon. Halos lahat gustong makisangkot at magbigay ng kanilang kuro-kuro. Kaya naman ang mga maliliit na detalye tulad ng emosyon ay hindi pinalagpas ng mga online newspaper.

Wala masamang sa kanilang paraan. Isa itong magandang daan para maibalik ang interes ng mga tao na makisangkot sa malalaking isyung panlipunan. Pero laging may kapalit ang kaginhawaan.

Tayo ngayon ay nabubugbog sa maraming impormasyong hatid ng social media. Ilang beses na rin itong nabanggit ng mga eksperto na ang age of information ay isang hamon sa ating nagbabagong panahon. Sabi nga ni Lamberto Antonio, busog tayo sa mga impormasyon pero hindi natin alam kung paano natin tutunawin ang mga ito. Dito na papasok ang konsepto nang pagtatae.

Sa dami nang ating nalalaman hatid ng social media, nagtatae na ang utak natin sa mga impormasyon na ito. Tulad nang tae, sa butas din lumalabas ang mga impormasyon na ito, sa ating mga bibig. Pero sa ngayon, hindi lang tayo basta nakukuntento na masabi sa ating mga kakilala ang mga impormasyong ating nalalaman. Nilalabas na rin natin ito sa ating mga online account.

Hindi tayo mapipigilan sa pag post at pag tweet ng mga ating nalalaman. Pakiramdam natin kapag hindi  natin ito labas, parang ang sama nang ating pakiramdam. Tulad ng impacho, aalisin natin ang mga kabag sa ating utak. Hindi natin ito hinahayaan matulog sa magdamag. Nilalabas natin ito nang buong emosyon. Minsan hindi na natin batid ang ideolohiyang pinanghahawakan ng mga “kaibigan” natin sa facebook. Dahil ang mahalaga sa atin ay mailabas ang mga ito.

Kung iisipin natin, isang malaking imburnal pala ang social media. Nandito ang iba’t ibang klaseng emosyong gusto nating itapon at ipaalam sa mundo. Mga impormasyon tingin natin ay importanteng malaman ng mundo. Dahil ang mga ito ay hinugot natin sa ating mga emosyon at mga kaisipang may halaga sa atin bilang tao. Isyung panlipunan. Bookreview. Moviereview. Siyempre, pag-ibig. Kabilang na rito ang wordpress na gamit ko ngayon.

Dahil magaan ang paraan ng pamamahayag, hindi malabong maging magaan din ang trato sa mga isyung kinakaharap natin na kinakailangan nang mas maiging pag-iisip at pagkukuro. Unti-unti nawawala ang konsepto nang pananaliksik sa mga kuwentong buhay. Parang lahat tayo ngayon ay may hawak na gunting tuwing linggo.

Hindi masamang makialam. Lalong maganda kung lahat ay may kanya-kanyang pagtingin. Pero sana ‘wag sana natin isalang-alang ang konsepto nang pag-iisip at pagkukuro. Hindi lang emosyon ang batayan para makisangkot.

D.R.G.S

Sa usapin ng droga, tila nakakabahala ang nagbabagong pagtingin natin sa buhay. Kadalasan nagkakaroon nang kaginhawaan ang mga netizen kapag may nakikitang bagong balitang may pinatay na tulak. May ilan na magbibigay nang kanilang komento laban sa mga serye nang pagpatay. Pero agad itong tatanungin “Bakit naawa ba sila sa mga pinatay nila?” Ngipin sa ngipin. Mata sa mata. ‘Yan ang namumutawing kaisipan ngayon para masugpo ang usapin ng droga.

Ang isyu ng droga ay maraming salik na dapat harapin. Hindi lang ito isyung pang indibidwal. Isa itong malaking isyung lahat tayo ay sangkot. Rehabilitasyon. Kulungan. Pulis. Hindi lang ito basta kung sino ang nahuhuli o hindi nahuhuli. Hindi lang ito basta isyu nang pagpatay o papatayin pa. Malalim ang ugat nito at hindi dapat basta-basta hinuhugot sa kinatataniman nito. Maraming dapat pag-isipan.

Dahil nasanay tayo sa mabilisan. Pinagbigyan tayo ng panahon at pagkakataon. Sana lang ‘wag tayo multuhin nang mitong tayo rin ang mismong humiling.

Sana ‘wag tayong bumalik sa barbarismo. Hindi ko alam kung kaya pa nating panindigan kapag nandoon na ulit tayo sa gaanong estado. Sana kaya talagang itaya nang mga tao ang kanilang mga suso at itlog oras na dumating tayo sa oras na ‘yun. Sana kaya pa rin nilang panindigan ang kanilang tinataya ngayon.