May kanyang-kanyang kulay ang mga salita. May iba-ibang anyo. May iba’t ibang bigat at gaan. Nag-iiba rin ito ng mga konteksto batay na rin sa gustong pairalin ng gumagamit nito. Kung minsan, may mga binabagayan din siyang lugar at panahon. Kung minsan, dinadaan sa mga senyas ang pag-aabot ng mga salita sa isang kaus.
Sa pagkokomyut araw-araw, maraming paraan ang mga drayber para makaiwas sa trapik at mga buhaya gamit ang kanilang lenggwaheng drayber. May kanya-kanya silang mekanismo at senyasan para maiwasan ang mga tinuturing nilang hadlang sa kanilang paghahanap buhay.
Sa Tayuman, kapag may inspeksyon ang LTFRB ng anti-smoke belching kanyang-kanyang senyasan o sigaw ang mga drayber. Pasahan ng mensahe sa makakasalubong na drayber.
Iba naman ang istilo ng mga drayber sa UV Express. Sa araw-araw na pagsakay panigurado kahit sino mapapansin ang kanilang radyo malapit sa kambyo.
“Tango-Tango.”
“Kuha mo 5-7?”
“Kopya.”
Madalas ang kanilang usapan. Naghuhudyat ng mga “buhayang” nag-aambang sa kanilang kita. Mga trapik na babalakit sa kanilang biyahe.
Ilan lang ito sa mga napapansin kong ginagamit nilang salita:
Sierra Madre = S.M. Fairview
Titanic = Bus
Karera = Walang Trapik, maluwag ang kalsada
Kalakal = Kukuha ng pasahero
Maliit na bilog = Welcome Rotonda
Malaking bilog = Quezon Memorial Circle
Pantalon = Pantranco
Likas talaga sa tao ang pagiging malikhain sa paghimay ng mga salita para maihayag nila ang gustong sabihin. Inaayon ito batay sa gamit at konteksto nang nagsasalita. Kitang-kita rin ang mga ganitong pagkakataon sa iba pang grupo ng mga salita sa atin. Ang pag-usbong ng “gay language” at “jejemon”, ay isang halimbawa lamang na talagang malikhain at mayaman ang ating kultura.
Kadikit talaga ng wika ang kultura. Ang pag-unawa sa kultura ng ibang bayan ay pag-unawa rin sa kanilang wika. Mahalaga para sa atin na hasain ang sarili sa wikang mayroon tayo sa loob ng bansa, at sa mga wikang naghihintay nating pag-aralan.