Marami na ang nagsasabi tungkol sa banta ng nagbabagong panahon. Marami na rin ang nag gagaling-galingan pagdating sa pagsagot sa isyu ng climate change. Kailangan naman talaga makilahok sa mga ganitong isyung lahat tayo ay may kaugnayan. Dumami ang mga NGOs. Lahat gustong linisin ang mundong dinumihan. Marunong pala talagang mandiri ang tao sa sarili niyang tae.
Isa sa mga halimbawa ng proyektong pang-kalikasan ay ang paglilinis ng Estero De Paco noong 2010. Layunin ng proyektong ito ang isa pang mas malaking proyekto, ang paglilinis ng Ilog Pasig. Naisip ng proyekto na linisin muna ang mga esterong nakaduktong sa Ilog Pasig, bago maisakatuparan ang mas malaking hangarin.
Kung sila ang highway noon ng mga bangka, sila naman ngayon ang kalsada ng mga taeng nagmula sa bahay natin. Lahat tayo sangkot. Lahat tayo may kanya-kanyang kontribusyon kung bakit hindi na isda ang nag-uunahan ngayon sa mga estero. Malaki ang kinalaman ng tao.
Kaya lang mukhang ito ang kadalasang nakakalimutan ng mga ilang proyektong pangkalikasan. Ang tao. Nakakalungkot dahil mas nauunang pang maisip ang tae kesa sa tao.
Sa paglilinis ng Estero De Paco, isa sa mga unang hakbang ang pagpapalipat sa mga taong nakatira sa tinuturing na danger zone. May batas din na dapat ang nakatira sa tabi ng estero ay may pagitang 3 meters na easement.
Pangatlong henerasyon na ang mga pamilyang nakatira sa estero. Kaya naman noong nasabi ang relokasyon sa kanila sa Calauan, Laguna, marami ang nangaba. Marami ang nag-iisip kung saan sila hahanap ng trabaho sa bagong mundo kanilang pupuntahan. May mga kaba rin na baka hindi sila matanggap ng lugar na kanilang pupuntahan. Sila mismong mga residente alam ang tingin ng mga taong nakatira sa estero. Ito na ang matagal na problema ng relokasyon sa bansa. Mabigat at masakit sa panga pag-usapan pero kailangan.
Maraming ginawang test sa tubig ng estero simula noong inilipat ang mga tao sa Calauan, Laguna. Sabi ng eksperto bumuti daw ng bahagya ang tubig. May nakitang pagbabago ayon sa sinabi ng makinang nakalubog sa tubig. Sana naganap din ang pagbuti ng mga residenteng dinala sa Laguna. Sana gumanda rin ang daloy sa kanila. Sana umangat din ang lebel ng kanilang paghinga, tulad nang pagtutok ng mga eksperto sa oxygen level ng Estero De Paco.
Nagbuo ang proyekto ng mga River Warriors. Ang mga miyembro nito ay residente sa mga nasasakupan ng estero. Sila ang taga-bantay at tagapag bigay balita sa mga kapwa residente tungkol sa pagbibigay halaga sa estero. Pero hindi sapat ang pagbuo ng mga grupong ito, kung hindi nasasakop ang buong komunidad. Kung walang pagtutok bago iiwan ang komunidad. Hindi natatapos ang pag-oorganisa sa mga komunidad kapag tapos na ang proyektong linisan ang estero. Ang pinakamatagal na dapat paglaanan ng oras ay ang mga taong naiwan at inagos sa Calauan, Laguna.
Ano nga ba talaga ang naging bahagi ng mga tao o residente sa naganap na proyekto? Kung patuloy natin silang ituturing na problema sa mga isyung pangkalikasan, paano nila magbibigyan ng malasakit at pagmamay-ari ang esterong ito, kung pati ito ay ituturing na pag mamay-ari ng mga may kapangyarihan?