Amoy

Madilim. Makalat. Sa kanyang paglalakad meron siyang nakitang liwanag sa gawin kanan. Lagusan papunta sa kung saan. Hindi niya alam kung ano ang meron. Naakit siya sa liwanag. Naakit din siya sa mabangong amoy na sigurado siyang nagmula sa lagusan. Pumasok siya.

Tahimik siyang nagmamatyag sa paligid. Kanan. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Tahimik din siyang maglalakad. Kanan. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Sisiguraduhin niyang wala siyang ingay na mabubuo sa kanyang paglalakad.

Aangat niya ng bahagya ang kanyang ilong. Aalamin niya ang handog ng hangin sa loob ng bahay. Kapag may panibagong amoy na nakatawag ulit ng kanyang pansin, susundan niya ito hanggang sa matagpuan niya ang kinaroroonan.

Dahan-dahan. Maglalakad siya. Titingin siya ulit ng mabilis sa paligid. Kanan. Kaliwa. Kanan. Kaliwa.

Kumaripas siya nang takbo.

May ingay siyang narinig.

Langitngit ng kahoy na hindi masyadong napako ng husto. Mukhang may naglalakad. Napatalon siya. Kumaripas siya ng takbo pabalik sa lagusang kanyang pinasukan. .

Mabilis ang tibok nang kanyang puso. Pagalaw-galaw ulit ang kanyang ilong. Kinakamot-kamot niya ang kanyang mukha. Dahan-dahan siyang ulit pumasok sa lagusan. Labas. Pasok. Labas. Pasok. Noong makasigurado na siyang nabalik na ang katahimikan, pumasok siya ulit. Tingin ulit sa paligid. Kanan. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Aangat ulit ang ilong. Hahanapin ulit ang amoy na nakatawag ng pansin.

Namangha siya sa kanyang nakikita. Iba’t ibang kulay. Iba’t ibang amoy. Lumakad pa siya ng kaunti. Tumingin siya ulit sa paligid. Umaatras ng bahagya. Lakad ulit ng kaunti. Doon niya napansin na malaking mundo pala ang kanyang pinasok. Ibang-iba sa kasalukuyan niyang tinitirhan. Naninibago siya noong una. Lilingon siya ulit sa paligid. Parang mata rin ang kanyang ilong. Kaliwa. Kanan. Kaliwa. Kanan.

Sinisinghot niya ang sahig. Sa unang tingin akala mo nililinis niya ito.

May malalaking gusali sa kanyang paligid. Ang isang gusali ay maingay. Tunog makina ang maririnig mula sa likuran nito. Ang isang gusali naman ay naglalaman nang mga babasagin.

Sa kanyang paglalakad, nakatawag ng kanyang pansin ang isang mabangong amoy. Ito ‘yung kanina pa niyang naamoy mula sa labas. Agad niya itong sinundan. Dinala siya nito sa isang parihabang bakal na pintuan. Sa loob nito may plastik na nakabalot. Dito nagmumula ang amoy. Dahan-dahan. Lumapit siya sa bakal. Nakasabit ang plastik sa isang maikling bakal sa loob, na nakadugtong sa pintuan. Dahan-dahan. Pumasok siya. Kaunti pa. Dahan-dahan. Suminghot siya ulit. Taas. Baba. Taas. Baba.

Nang makisigurado agad niya itong kinagat.

Mabilis. Pumiglas ang bakal na kinakabitan ng plastik. Nagsara ang bunganga ng kulangan. Napasigaw siya. Narinig niya ulit ang langitngit ng kahoy mula sa taas.

Mabilis na ulit ang tibok ng puso niya. Kinakabahan siya. Hindi na niya napansin ang laman ng plastik. Kinagat niya ang bakal. Hindi siya makaalis. Pilit niya binubuksan ang pinto hindi niya magawa. May narinig siyang lakad. Patungo sa kanyang kinalalagyang kulungan. Naihi siya. Sinigawan niya ang higanteng nakatitig sa kanya.

Kinakabahan siya. Umiikot-ikot siya.

Maya-maya pa nang kaunti. May hawak nang takore ang higante matagal din siyang pinagmasdan. Umuusok ang takore.

Mainit. Tubig. Kumukulo.

Diresto sa kanyang bubunan. Natae siya sa init. Naihi siya sa init. Sumigaw siya. Humingi nang tulong pero tuloy pa rin ang buhos. Hanggang sa mawalan siya nang boses. At tuluyang mawalan ng malay. Tumigil ang tibok ng kanyang puso. Nangisay.

Tinapos nang mapang-akit na amoy ang mga posibilidad na puwede pa niyang makita. Hindi niya inaasahan na ang magbibigay buhay sa kanya ang mismong magtatanggal nang kanyang potensyal para mabuhay.

Kumadrona

Nakakatuwang tignan ang mga nakaraang litrato. Pinapaalala sa atin nito kung paano tayo nabuhay ng mga nagdaang taon. Ibabalik tayo nito panandali sa mga lumipas na panahon. Ito ang tahimik na boses nang alaala sa loob ng ating tahanan.

Sa pagbabalik tanaw sa nakaraan, madalas nagsisimula ito sa inis at tawa sa ating mga mukha. Muli tayong mapapaisip. “Parang ke’lan lang no?”. Madalas natin itong sabihin lalo kapag ang nakitang litrato ay taon na ang binilang bago muling buksan at ilayo sa banta ng mga anay.

Sa kasalukuyang panahon, maraming anay na gustong bumura sa mga alaalang binuo ng mga nauna sa atin. Mga pangyayari dapat nating balikan. Dapat muling tignan at pag-aralan. Lagi nating sinasabi na kailangan lagi nating tumingin sa kasaysayan para mas maunawaan ang kasalukyang nangyayari sa atin. Pero, kadalasan nauuwi lang ito sa usapan sa facebook at mga tweet sa twitter.

Dumami ang mala-intelektwal na nagpupulit makilahok sa mga nangyayari sa mundo. Walang masama sa pakikilahok sa mga tunggalian ito, pero mas maganda kung may ginagawa tayong maliliit na hakbang para umusad. Hindi sapat ang maraming likes para masabi mong nakaambag ka sa kasalukuyang lagay ng estado. Sana gumawa tayo ng mga maliliit na hakbang. Hindi kailangan maging malaki.

Bakit hindi tignan ang mga lumang library natin sa Pilipinas? Tingin ko, mas magandang balikan ang National Library. Hindi ba natin napapansin na parang ang daming hiwagang nakatago sa sinapupunan ng aklatan na ito? Muli, hindi ko sinasabing masamang pumunta sa National Bookstore at Fullybooked. Malaki ang utang na loob natin sa kanila dahil isa silang magandang halimbawa kung paano hikayatin muling magbasa ang mga kabataan. Baka nga sa kanila makakuha ng ideya ang National Library kung paano mahihikayat ang mga taong muli siyang tignan.

Pero malaki ang pangungulila ng National Library sa mga kumadronang handang siyang pagsilbihan, at para tulungan siyang iluwal ang mga nakatagong anak ng nakaaraan sa kanyang sinapupunan.

Hindi ko alam. Pero baka maraming dukomento tungkol sa atin ang naghihintay lang isiwalat. Diba sabi natin kailangan tumigin natin sa ating nakaraan. Hindi na sapat ang makinig lang sa mga history teacher at manood nga mga trivia shows. Malaki silang tulong para gumawa tayo ng paraan. Pero hindi lang dapat sila ang kumilos. Wag na natin silang hayaang mamatay bago pa natin gawin ang pag-aanak sa mga batang hindi maisilang ng silid-aklatan na ito.

Nabuhay na tayo sa Google. Dapat mas tumalas pa tayo. Dapat mas mabilis na tayo mag-isip at gumawa ng paraan. Wag natin hayaang tuluyang mamatay ang mga batang nais sumilang mula sa National Library. Naniniwala akong ayaw natin lumaganap ang abortion ng mga mahahalagang pangyayari ng nakaraan, na mas tutulong sa atin umusad para mabuhay nang may kabuluhan.

Tren

May mga pagkakataon minsan na gusto mong makawala nang panandalian sa banta ng oras at panahon. Makalimutan kahit sandali na umuusad ang araw. Makapag-isip. Lalo sa panahon ngayon kung saan bilang ang bawat hakbang at hininga mo.

Sa makabagong panahon, mahalaga ang tingin mo sa oras. Ito ang mistulang hininga mo araw-araw. Dito nakabatay ang buong isang taon mo. Ito rin ang magtatakda ng suweldo mo. Pero dahil sa sobrang bilis nang pag-usad ng oras at panahon, madalas ito rin ang kumukulong sa iyo.

Sa LRT, tuwing umaga kailangan mabilis ka. Pagkatapos mong pumila ng mahaba sa istasyon sa ibaba, kailangan mo naman magkaroon nang malakas na pangangatawan pagdating mo sa taas. Handa kang malukot ang polong pinaghirapang plantsahin. Mahaluan ng kung ano-anong klaseng amoy kahit mga bagong paligo ang katabi. Wala ka na rin pakelam kung may matapakan. Mas lalo wala kang pakelam kung may maiwan sa istasyon. Nakagawa ka ng diskarte para makapasok. Dapat makagawa rin sila ng kanila.

Sa jeep, kailangan mabilis kang makasakay at makarating sa bandang dulo dahil ayaw mong maging taya sa pag-abot ng bayad. Sino ba naman ang nagsabing taga-abot ka ng bayad sa jeep tuwing umaga? Ang alam mo barya lang po sa umaga. Wala kang nakikita kundi ang bunganga lang ng jeep na naghihintay kang kainin. Hindi mo mapapansin ang mga senior citizen o mga taong may dalang maraming gamit. Hindi mo sila problema. Mahalaga makasakay ka.

Sa trabaho, nabubuhay ka sa quota. Bago magtapos ang araw kailangan maabot ang napag-usapang quota. Mahirap mapag-sabihan nang paulit-ulit ng bisor kung bakit mababa ang quota mo. At mas lalong mahirap makita na mas mababa ang quota mo kumpara sa ibang katrabaho, kapag nilabas na ang mga records.

Sa bahay, kalaban mo ang alarm clock. Kailangan makatulog ka na bago pa siya sumigaw, pero kadalasan nauuna ka pa sa kanya. Sa umaga, siya ang unang una mong kinaiinisan bago ang amo mo. Bukod dyan, isang malaking hamon lagi sa iyo ang kubeta. Maraming gumagamit. Busog na busog ang inidoro niyo sa mga taeng may halong kaba at sama ng loob tuwing umaga.

Kapag linggo, gusto mong magpahinga. Gusto mong mag relax. Pero kadalasan nagdadalawang isip ka. Kasi gagastos ka pa. Itutulog mo na lang ito. Maghapon kang matutulog. Pagkatapos ng pananghalian. Gigising ka ng mga alas kuwatro ng hapon. Magmemeryenda. Maliligo. Konting tambay at kuwentuhan sa labas hanggang mag hapunan. At matutulog ulit ng maaga para sa isang linggo paghahabol sa oras at panahon.

Sa fastfood, ayaw mo nang mabagal. Kapag mahaba ang pila naiinis ka. Ayaw na ayaw mo maghintay kasi nga nasa fastfood ka.

Sa relasyon, puro ka short time. Hindi lang nakasagot kaagad sa mga text mo paniguradong away na.

Ang saya mo diba. Ngayon, para makatakas ka sa dikta ng oras at panahon, bibili ka ng mga gamit. Sabi  mo nga e “I deserved this”. Kaya bibili ka ng higit sa kaya mo. Ito ang magiging pabuya sa isang taong pagmamalupit sa iyo ng panahon. Hindi ka na magbabasa ng diyaryo dahil pagod ka na. Hindi na mahalaga sa iyo ang mga maliliit na detalye ng buhay dahil sayang sa oras. Marami kang binubuhay. Hindi na mahalaga ang pakritikal-kritikal, hindi ka naman kamo kayang pakainin.

May punto ka.

Paulit-ulit mo tong gagawin hanggang matapos ang taon at magkaabutan na ng 13th month. Ito rin ang magiging gasolina mo sa bagong paparating na taon.

Sana humaba pa oras mo. Para may panahon ka pang mag-isip. Baka ‘yung nakagawian mo ay isa palang pagsasayang ng oras, pero akala mo hindi.