Pag gising sa mga natutulog na bata

Dati noong bata tayo, kapag nabigyan lang ng sipit sa sampayan tumatahimik na. Maglalaro na sa isang tabi. Noong araw, kapag nabigyan ng dede matutulog na. Ganun raw kapag bata. Mabigyan mo lang ng mga bagay na bago sa kanilang paningin at isipan mananahimik na sa isang tabi para alamin ito kung ano, laruan man o hindi, kanais-nais man o hindi, nakakain man o hindi. Lahat para sa kanila puwedeng pagsimulan nang kasiyahan.

Kaya minsan, parang ang sarap maging bata ulit. Kasi kahit ‘yung pinakamaliit na bagay ay kaya nating pansinin, bigyan ng kabuluhan sa buong mundo. Marami na ang nagsabi at nagsulat tungkol sa pag gising sa mga natutulog na bata sa puso ng mga nagmamatanda at matanda.

Si Jim Paredes, sa isang artikulo niya sa Philippine Daily Inquirer, ay nagsabi noon na kulang na raw tayo sa pagtataka. Sa pagtataka raw nagsisimula sumibol ang mga bagong ideya.

Si Kidlat Tahimik, isang direktor na nakabase sa Baguio, nagsabi rin na kailangan daw natin gising ang mga sariling duwende sa ating mga kalooban. Dito raw natin makikita ang mga ideya at mga katangi-tangi potensyal nang pagiging matanda natin na naghihintay lumabas at ilabas.

Si Antoine de Saint-Exupery, ang batikang pilosopo at nagsulat ng librong The Little Prince, nagbigay din ng kaisipang bata, tinuruan niya tayo gumamit ng imahinasyon at magbigay halaga sa mga taong nasa paligid natin. Ilalabas ulit nito ang malikhaing kaisipan na pinatay nang katandaan. Si Sampaguita ay may kanta rin tungkol sa ganitong tema.

Simple lang naman ang gustong sabihin ng mga nabanggit na artists, kumuha tayo ng kasiyahan sa mga maliliit na bagay na nasa paligid natin. Kailangan lang natin siguro matutong tumingin sa mga bagay sa buhay natin. Masyado lang kasi tayong nabulag sa kulay at komersyo kaya nakakalimutan nating mag-isip labas sa mga nakikita natin. Nagiging alipin tuloy tayo ng mga bagay na kailangan natin gumasta nang higit sa ating kakayahan.

Siguro, dahil ito ang kasalukuyang sinasabi ng mga namumutawing ideolohiya sa ating paligid. Ito ang dinidikta ng mga mas mataas na uri, at ang ibang uri ay napipilitang sumabay para masabing in. Hindi lang emosyonal na aspeto ang kanyang nakawin sa atin nang pagiging bulag sa mga bagay sa paligid, kundi pati ang usaping pang ekonomiko.

Halimbawa, minsan mas nanaisin pa nating pumunta sa Starbucks kesa sa tindahan sa kanto para bumili ng 3 in 1 na kape. Siyempre, kapag nasa loob ka ng Starbucks unti-unti kang nakakatakas sa kasalukuyang katayuang pang-ekonomiko. Nakakasabay ka na sa mga nakakataas na uri.

Sabi nga ni Thorstein Veblen, isang sosyolohista, In order to stand well in the eyes of the community, it is necessary to come up to a certain, somewhat indefinite, conventional standard of wealth  (1899).

Sa madaling salita, para in.

Tingin ko, dito na papasok ‘yung mga pinagsasabi nila Paredes, Kidlat Tahimik, Saint-Exupery at Sampaguita. Kailangan nating bumalik sa pagkabata, sa magandang paraan. Pagbalik sa pag-iisip at pag-iimahenasyon. Pagtataka at pagdududa. Pagiging matanong. Pagiging makulit sa pag-alam sa mga bagay na nakatago sa ilalim ng lamesa. Pag-alam sa mga bagay na hindi pa alam. Pagsuri sa mga bagay na nakikita. Pag tingin sa mga hindi tinitignan. Pagiging matapang sa paglabas nang saloobin. Pag ngawa sa mga bagay na pilit ikinukubli sa ating isipan ng midya at iba pang salik sa paligid. Pag mamahal sa mga bagay at taong nasa paligid natin. Higit sa lahat, pagiging masaya sa mga maliliit na bagay.

 

Pinagbatayan

Guieb, Marilou (April 4, 2015) Kidlat Tahimik,  ‘Balikbayan #1’ and ‘sariling duwende’. Business Mirror. Kinuha mula sa http://www.businessmirror.com.ph/kidlat-tahimik-balikbayan-1-and-sariling-dwende/

Paredes, Jim (June 14, 2009) The trouble with modern education. Philippine Daily Inquirer. Sunday Lifestyle Section p. J-4

Veblen, Thorstein (1899) The Theory of Leisure Class: An Economic Study of Institutions. New York: MacMillan

 

55

Sa makabagong panahon, nakakakuha nang mataas na suweldo ‘yung mga taong may karanasan, at nagmula sa mga magaganda eskwelahan. Hindi binabatay sa kung ano ang bigat (pisikal) ng trabaho ang suweldo. Kung susundin natin ang pananaw ng teoryang functionalism, ideyang naniniwala sa kahalagahan ng bawat isa at istruktura para mabuo ang isang lipunan, ibig sabihin pala mas malaki dapat ang binabayad sa mga basurero dahil mas mahirap ang kanilang trabaho, kumpara sa mga white collar jobs na nakaupo lang maghapon sa opisina.

Noong nakaraang linggo, binalita na karamihan sa ating mga magsasaka ay tumatanda na. Nasa 55 taong gulang pataas ang karaniwan nilang edad. Ibig sabihin, wala nang sumunod pa sa kanila magsaka. Kung ganun, karamihan ay nagpupunta sa unibersidad para makipagsabayan sa mga trabahong nasa siyudad, o ‘yung mga “mas tanggap”.

Minsan nakakatuwa rin talaga kung titignan. Bakit kailangan pang magtapos nang apat na taon sa kolehiyo ng isang estudyante kung ang gagawin niya lang pala sa opisina ay mag timpla ng kape at mag photocopy buong maghapon? Edi ba kung nagtapos siya ng 4 year course dapat nasa planning department na siya, o di kaya junior researcher ng isang kumpanya. Hindi tayo nagbibigay ng diskriminasyon sa mga nasa Admin Staff at Clerical Workers dito. Gusto ko lang ipunto kung bakit hindi tumatanggap ang mga industriya ng High School Graduates kung ganito pala ang magiging trabaho. Para naman hindi na tayo mabulag sa unibersidad. Para hindi na ipilit na lahat ng mag-aaral ay kailangan pang makatutong ng kolehiyo para masabing matagumpay. Dahil minsan mas nagbibigay parangal pa ang karanasan kaysa sa diploma.

Nakakabahala para sa ilan, lalo na sa mga taong nasa sektor ng agrikultura. Pero para sa mga industriya hindi. Kung nakatutok pa rin tayo sa mga susunod na taon sa pagpapalawig ng mga industriya, mukhang hindi alarma para sa atin ang pagbaba ng bilang ng mga magsasaka sa bansa. Mauuwi lang tayo sa pag import ng mga bigas mula sa karatig bansa tulad ng Vietnam. Pero, kung nakatuon naman tayo sa pag import ng bigas mula sa ibang bansa, magiging dagdag gastos na naman ito para sa atin. Dagdag buwis na naman. Mahalagang isipin na ang bawat nangyayari sa malaking istruktura, ay nagkakaroon ng epekto sa mga maliliit na istruktura tulad ng ating bahay, at unan na tinutuluan ng laway.

Hindi ko balak patayin ang industriya ng BPO at white collar jobs. Sa katunayan, minsan din akong napabilang sa ganitong sektor. Alam ko ang hirap, at laki nang suweldong kayang ibigay nito. Humihingi lang tayo nang pagkilala sa mga trabahong nabigyan ng hindi magandang imahe dahil sa pagsasawalang bahala sa kanilang kapakanan para umunlad. Kung tayo pa rin ay walang pagmamahal sa pagsasaka, paano na lang ang produksyon natin ng bigas sa mga susunod na taon.

Masaya naman tayo sa paglago ng industriya sa bansa. Malaki ang naitutulong nito sa atin para mabuhay araw-araw. Pero mukhang nakakalimutan natin ang ilang mga bagay na tumutulong para umusad ang mga malalaking industriya na ito. Tulad nga nang nabanggit kanina, may kahalagahan ang bawat istruktura para mabuo ang isang lipunan. Hindi na natin kailangan magpaka nose bleed pa rito sa mga ideya. Simple lang. Tignan ang mga bagay na hindi napapansin.