Climate English

Kung noon, nabubuhay ang mga hayup batay sa lakas. Ubusan ng lahi. Palakas ng pangangatawan. Kung sinong matira, siya ang mabubuhay sa mga susunod na taon. Hanggang sa may mga namatay at naiwan. Isa sa mga nasawi ay ‘yung mga dinosaur. Mantakin mong dinaig pa sila ng ipis. Mauubos na ang mga kamag-anak ng ibong si Pag-asa, pero ang ipis nandito pa rin sa iba’t ibang parte ng mundo.

Sa mundo ngayon tumaas na rin ang kompetisyon. Sa paghahanap pa lang ng trabaho siguradong mahihirapan na kahit sino. May experience man o wala. Lahat nahihirapan. Galing ka man sa magandang unibersidad o sa ‘di kilala, mahirap pa rin. Maliban na lang kung may kakilala ka na tutulong sa’yo makapasok.

Noong 2010, usapin na ang isyu ng competitiveness sa mga propesyon. Isa na d’yan ‘yung sa mga nursing natin dito sa Pilipinas, na karamihan inaasahang lumabas ng bansa. Tayo nga raw ang Nursing Capital of Asia, dahil tayo raw ay masasabing globally competitive o kayang makipag sabayan sa mga dayuhang bansa pagdating sa nasabing propesyon. Siyempre, laging may tanong ang mga isip natin. Sino nga ba ang nagtatakda ng “competitiveness” ng mundo? Sino rin ang madalas makasabay sa mga batayang pinaiiral?

Noong college, laging sinasabi ng mga guidance counselors at professors na one way of having a globally competitive population is the ability to articulate in English. Laging usapin sa career orientation seminar ang pagsasalita ng wikang ingles. Kapag mahina ka sa ingles, iba na kaagad ang tingin sa’yo ng mga propesor. Parang gusto sabihin ng mga mukha nilang “wala kang kinabukasan, nasa kolehiyo ka na mahina ka pa rin sa ingles.”

Sa Pilipinas, mahigpit ang pagtingin natin sa english grammar. Tayo nga siguro ‘yung isa sa mga Grammar Nazi ng mundo. Alam na alam natin kasi ang pag gamit ng this at these. Siyempre hindi rin tayo pahuhuli sa kaibahan ng you’re sa yours. Mas lalong alam natin ang kaibahan ng has, have at had. Hindi na kailangan sabihin, pero panalong-panalo tayo sa his, he’s, is at are. Alam na alam natin lahat ‘yan. Kaya naman kapag may mga nagkamali sa’tin madalas pinagtatawanan natin, sinasabihan ng RIP English (na kung tutuusin barok din naman na panlalait). Para tayong mga MS Word na nagkakaroon nang pulang linya sa mukha sa tuwing nagkakamali sa english grammar. 

Sino nga ba ang nagsabi na matalino ang isang tao kapag magaling mag ingles? At bakit napapatulala tayo sa mga taong magaling mag ingles? Masasabi na bang competitive na ito? Mukhang meron nagtatakda na ang wikang ingles ay pang matalino. Isa na rito ang mga iba’t ibang industriya, media, at mga piling unibersidad sa’tin. Kahit walang laman ang sinasabi, basta nagamitan ka ng salita mula sa thesaurus, matalino na ‘yun para sa’tin.

Kung ingles pala ang batayan natin nang pagiging globally competitive tingin ko parang pedikab din ang pag-abante natin. Dahil hindi lang sa ingles nakabatay ang sinasabing competitiveness na ‘yan. Isa lang ‘yan. Pero mas mahalagang tignan ang mga kasanayang binubuo natin sa loob ng bansa. Mga paraang magpapalakas sa atin sa iba’t ibang bagay. Hindi natin kailangan umayon palagi sa sinasabi ng ASEAN-ASEAN na ‘yan. Minsan kailangan din nating tignan kung paano tayo lalakas mula sa loob, papalabas.

Noong nakaraang linggo, binalita sa Japan ‘yung kanilang technology week. Kung saan pinakita nila ang mga makabago nilang gadget. Sobrang taas ng IT ng mga hapon. Pero kahit kailan hindi ko sila narinig magsalita ng diretsong ingles. Pero napakayaman nila kumpara sa’tin na Grammar Nazi ng ingles.

Ang Tsina naman kahit kailan sa tuwing nagbibigay ng kanilang komento tungkol sa sigalot ng West Philippine Sea, hindi sila nagsasalita ng ingles. Laging nasa Mandarin. Paano natin dedebatihin ang mga bansang ‘yan kung hindi tayo marunong magsalita kahit papano ng kanilang mga wika?

Ang wika nga raw ay parang kultura (Eriksen, 2001). Iba-iba. Maraming anyo. Nakadikit talaga ito sa ating mga kaluluwa. Mas masakit kung sasabihan ka ng putangina kaysa sa fuck you. Kapag sinabi nating penis, hindi masyadong bastos. Pero kapag sinabi mong “tite” ang bastos ng bibig, manyak. Pero iisa lang naman ang ibig sabihin ng tite at penis. Patuloy lang tayong nagbubulag bulagan sa ingles.

Kung parang kultura pala ang wika, kailangan marunong tayong rumespeto ng iba’t ibang klaseng kultura. Kung ganun, mas maganda kung pag-aralan natin ang iba pang wika bukod sa ingles. Maganda rin sigurong balikan ‘yung mga dialekto natin gaya ng Bisaya, Ilokano, Tagalog at maraming pang iba. Hindi natin kailangan maging Manila Centered pagdating sa usapin ng wika. Magiging mabilis lang ang pag padyak natin sa pag-usad kung kaya nating respetuhin ang mga dialekto sa loob ng bansa at ang mga wika ng mundo.

Magiging mas makapangyarihan pa tayo sa United States kung marunong tayong mag Chinese, Spanish o French, dahil ang mga amerikano para sa akin hindi mag-aaral ng ibang wika. Akala nila kasi ingles lang ang makapangyarihang wika sa mundo.

Kaya sa pagpunta sa Paoay, Bohol, at Boracay, mas magiging maganda ang ating pamamasyal kung sasabayan natin nang pag-aaral ng mga dialekto. Mas madali nating makakasundo ang mga lokal kung marunong tayo sumubok magsalita ng kanilang lokal na pananalita. Hindi na masama kahit wrong grammar ka sa Bisaya o Bikolano. Itago niyo sa bato, matutuwa ang mga komunidad kung kaya mong rumespeto ng kanilang dialekto, at kung kaya mo nang magsalita kahit thank you sa kanilang dialekto.

Xiexie!
Dios Mabalos!
Daghan Salamat!

Mga pinagbatayan

Eriksen, Thomas (2001) Small Places, Large Issues: An Introduction to Social and Cultural Anthropology. London: Pluto Press

Philippine Nursing Directory (2009) PRC-BON Position Statement on the Implementation of CHED Memorandum Order No. 5 Series of 2008. Kinuha mula sa http://www.philippinenursingdirectory.com/board-of-nursing-bon/prc-bon-position-statement-on-the-implementation-of-ched-memorandum-order-no-5-series-of-2008/

Usapang Eski

Madalas kapag ikaw ang naiiwan sa bahay, marami kang naiisip na mga bagay-bagay. Masasabi mong nagiging kritikal ka sa mga usaping napapanood mo sa telebisyon. Para bang ito ‘yung pampalubag loob mo sa sarili na iba ka mag-isip kahit ikaw ang naiiwan sa inyo. Sa sobrang init sa loob ng bahay, iisipin mong lumabas. Makipag-usap sa mga kapwa mong naiwan sa bahay. At magbubuo kayo ng isang diskusyon. Isang espasyo para sa inyo.

Sa dami ng impormasyon hatid ng telebisyon, minsan nalulunod na tayo. Hindi na natin alam ang ibig sabihin ng pagkaunawa at alam. Nagtatalo na minsan ‘yung mga isip natin kung ano nga ba ang totoo sa hindi. Pero sa totoo lang, ganun din naman tayo sa mga taong kaharap natin. Sa labas man o sa loob ng bahay. Tayo man ay parang tv din. May mga tinatago din tayong katangian na hindi natin kayang ilabas sa mga tao. Dahil takot tayo na baka husgahan tayo. O di kaya ayaw lang natin itong ipakita dahil iniisip natin na baka hindi ito angkop sa katangian ng ibang tao labas sa atin.

Kung ganun, mahirap din pala sabihin kung ano ang tunay na katangian ng isang tao. Maliban na lang kung tumira ka rin sa kanyang tirahan. Pakinggan siya oras-oras, araw-araw o bawat sandali ng buhay niya, parang lang maintindihan ang iba’t ibang pamantayan niya sa pagpili ng mga sasabihing salita batay sa kung sino ang kausap niya (Garfingkel, mula kina Giddens at Duneier 2000).

Kaya naman may mga ilang bagay sa paligid na hindi natin dapat sabihin nang mababaw o walang kabuluhan. Dahil bawat pangyayari sa paligid natin, may dahilan o may pinanggalingan. Halimbawa, ang mga tabloid sa mga kanto-kanto. Kalimitan, ang nilalaman ng mga tabloid ay hubad na babae o mga tsismis sa showbiz na mas binabasa ng karamihan kaysa sa mga broadsheet na nakasulat sa ingles. Ngayon, kung sa unang tingin sasabihin natin na mas importanteng basahin ang mga broadsheet dahil mas nilalaman nito ang mga kasalukuyang pangyayari sa atin. At mas mahalagang isantabi ang mga tabloid dahil puro kababawan lang naman ang sinusulat dito. Pero hindi ba katakataka kung bakit mas binabasa ang tabloid kaysa sa broadsheet? Sa ganitong pagkakataon, para sa akin hindi na puwedeng sabihing mababaw ang tabloid. Dahil mas marami pa ang nakikisangkot na tao sa mga nilalamang isyu ng tabloid kaysa sa broadsheet.

Siguro maganda gawan ng pag-aaral ang mga ganitong bagay. Bakit nga ba mas binabasa ng mga tao ang tabloid? Tapos na ang debate tungkol sa kung ano ang makabuluhan o hindi. Dahil bawat bagay ay may kabuluhan. Ang kabuluhan na ito ay binibigay ng mga tao sa isang bagay o pangyayari na para sa kanila ay importante o mahalaga. At hindi natin basta maiintindihan kung bakit nila ito binibigay ng ganitong klaseng halaga, maliban na lang kung mauunawaan natin ng mas malalim ang batayan nila sa pagpili nang importante sa hindi.

Makikita rito ang kahalagahan ng wika. Mas nakakalapit ang tabloid dahil sa wikang bitbit nito. Mas nakakapasok ang mga sinusulat nila sa bawat eskinita dahil sa wika nilang ginagamit. Kung talagang gusto natin makisangkot ang mga tao sa pambansang isyu, dapat isulat ito sa wikang mas tatagos sa kanilang kalooban, mas makakapasok sa mga eskinitang dinadaanan ng mga daga.

Walang pinagkaiba ang ganitong klaseng pag-unawa sa nangyayari sa Aldub ngayon. Marami ang nakikisangkot. Paano mo ito masasabing mababaw? Purket ba nasa labas lang ng akademya ay mababaw na? At kailan pa nagkaroon ng batayan sa mababaw o hindi? Bawat lugar ay may kanya-kanyang kultura. May kanya-kanyang klase nang pagtingin sa mga bagay. Kung marunong tayong tumingin at rumespeto sa iba’t ibang klase pagtingin ng mga komunidad sa mga pambansang isyu malamang mas magiging mabilis ang pag-usad natin.

Pinagbatayan:

Giddens, Anthony at Duneier, Mitchell (2000) Introduction to Sociology 3rd Edition. New York: W.W. Norton and Company, Inc.

Gurowth

Nagkring na ang bell ng mga oras na ‘yun. Naglalakad na siya papunta sa kwarto. Kakatapos ng lunch break. Dala-dala ang manila paper. Tatlong libro. Mga litrato ng bayani. Sasalubungin siya ng mga pasipsip sa klase para tulungan magbit-bit ng kanyang mga gamit. Titingin sa paligid. Sabay-sabay tatayo ang mga bata para batiin siya ng good morning.

Ganun araw-araw ang eksena ng mga guro. Wala pa nga d’yan ‘yung mga kunsumisyon na inaabot sa bawat klase. Iba’t ibang ugali ng mga bata sa iba’t ibang kuwarto. Sa loob ng kuwarto, minsan walang limitasyon ang bilang ng mga bata. Kung kasya 80 sa isang kuwarto, ipipilit. Walang pinag kaiba ‘yung ilang klasrum natin sa dyip. Kapag siyaman, kelangan punuin. Walang maiiwang espasyo. At ang drayber iisa lang. Iisang gurong titingin sa 80 ugali at personalidad na nasa loob ng kuwarto. Taga-intindi ng mga mag c-cr at maiingay at mag tataas ng kamay para sagutin ang mga tanong niya sa klase.

Marami na tayong ginagawang pag-aalala sa kadakilaan ng mga guro. Wala silang pinagkaiba sa papuring tinatanggap ng mga OFW. Maganda ang mga ganitong hakbang. Dahil kahit sa maliit na bagay nang pag-alala sa kanilang ginagawang kadakilaan, nakakagaan panigurado ito sa mga kalooban nila. Pero, hanggang ganito na lang ba ang kaya nating gawin sa kanila?

Hamon pa rin para sa ating mga guro ang magturo sa pampublikong paaralan. May mga ilang pampublikong guro na nakakatanggap lang ng suweldo tuwing katapusan. Para ma-survive nila ang mga araw bago ang kanilang sahod, napipilitan silang gumawa nang maraming paraan tulad ng pangugutang at sideline. At kung minsan din, bago dumating ang kanilang sahod nauubos na ang sahod pambayad sa mga utang.

Mahalaga ang pag lalagay natin nang tutok sa edukasyon. Malamang, marami na rin ang nagsabi na dito tayo kukuha ng mga lider nang susunod na henerasyon. Kung ganoon, mahalagang bigyan din ng atensyon ang mga gurong araw-araw na nababaon sa maraming sapot ng problema. Noong nakaraang buwan lang, umalis ang pinsan ko patungong sa ibang bansa para ipagpatuloy ang kanyang kareer sa pagtuturo. Hindi ko naman siya masisi. Gusto ko sanang sabihin na “bakit ka maninilbihan sa ibang lugar, e dito ka nanumpa ng iyong tungkulin?” Pero baka sagutin lang ako nang “dito nga ako nanumpa, pero hindi naman ako tinutulungan ng lugar na pinagsumpaan ko”

Kung hindi pa rin tayo mag-iinvest sa mga guro, ‘wag tayong umasang lalalim pa ang pagtingin natin sa mga bagay. Nagsisimula lang naman tayong tamarin tumuklas dahil wala nang tumutulong sa atin tumuklas. Nagsisimula lang naman tayong gutumin ng lakas ng loob dahil walang nang nagtuturo sa atin para tumayo sa sarili. Nagsisimula lang naman tayong magmahal, dahil may mga taong tulad nila na nagpaparamdam ng pagmamahal sa atin.

Sobrang laki ng kanilang gampanin. Kaya ang pagsasawalang bahala sa kanila ay kawalan din ng respeto sa kanila.

Wag sanang dumating ang panahon na ang karamihan sa mga guro sa atin ay umalis din tulad ng pinsan ko. Sa ngayon, wala pa siyang balak bumalik sa Pinas. Mahirap magkaroon ng tag-tuyot ng mga ideya. At mas lalong mahirap mawalan ng mga bukal ng kaalaman na magpapabunga sa itinuturing na bagong henerasyon.