Pagbubukas ng mga bansa at komunidad

Maraming bagay ang sobrang hirap intindihin. Minsan kahit humingi na tayo ng sagot mula sa internet at kakilala, nasasabaw pa rin tayo. Tulad ng Association of  South East Asian Nation (ASEAN) Integration. Ano nga ba ito? Sabi nila malaki raw ang epekto nito sa Pilipinas dahil mas luluwag na ang paglabas-pasok ng mga produkto sa mga ASEAN member states. Malaki rin ang epekto raw nito sa mga maliliit na negosyo, kabilang ang mga kasamahan nating mga vendor. Pero kung malaki pala ang magiging epekto nito sa atin, bakit parang sila-sila lang ang nag-uusap? Bakit wala ang partisipasyon nang mas maapektuhan nang nasabing pagbubukas ng mga bansa sa isa’t isa? Nasaan ang mga representasyon ng mga komunidad sa nasabing pag-iisa? Hindi kaya, ito ay pag-iisa lang ng mga may malalaking negosyo? At mas lalo mainsantabi ang mukha ng mga maliliit na namumuhunan?

Bago pa man mauso ang mga ganyang teknikal na termino sa mundo, matagal na tayong bukas sa maraming bansa. Isang patunay na rito ang ating mga OFW. Noong 1970 (Asis, 2008), mas lalo pa napalakas ang paglalabas sa bansa ng mga OFW dahil kinailangan ng bansang Saudi Arabia ang mga trabahador sa pagbubukas na marami nilang kumpanya.

Kung ganun, madali lang pala ang ibig sabihin ng ASEAN-ASEAN na ‘yan. Pagbubukas ng mga bansa sa isa’t isa. Sa wika ng ilan sa akademya, “borderless world”. Pero bakit ang daming mga teknikal na pamamaraan pa ang pinaiiral? Dahil hindi ba magkaintindihan ang mga miyembrong bansa? Usapin ba ito ng pag gamit ng ingles o hindi? Kung ingles, bakit ang Japan mayaman pero hindi magaling mag ingles? At bakit iilan lang ang nakakaintindi kung tayong lahat pala ay apektado?

Ito na siguro ‘yung tamang panahon para mas magbigay tuon sa pag-oorganisa ng mga komunidad, at sabayan ng mga pananaliksik tungkol sa mga komunidad na ito. Ang dami-dami nating kinakaharap araw-araw pero walang tayong iisang tindig pagdating sa mga bagay na ito. Marami ring dahilan kung bakit. Pero meron dalawang problema na para sa akin ay mahalagang tignan at pag-usapan.

Una, dahil hindi kayang ilagay ng mga nasa posisyon ang usapin papunta sa mga komunidad. Kung makarating man, napakalabo pa. Sige nga paano mo ihahatid ang malaking usapin “kuno” ng ASEAN sa mga taong nakatira sa palengke ng Pritil, Tondo? Mahalagang unawin ang mga tao sa komunidad. Mahalang mapakinggan sila bago tayo maghatid ng mga banyangang konsepto at pananaw.

Pangalawa, hindi itinuturing na “stakeholders” ang mga nasa komunidad. Sa madaling salita, hindi sila pinakikinggan. Kailangan sila maging parte sa pagbuo ng mga mahahalang konseptong pang bansa. Halimbawa, ang mga komunidad sa tabi ng estero, na patuloy pa ring sinasabing malaking hamon sa kalikasan. Pero, diba mas magandang gawin natin silang “partners” sa paglilinis ng estero. I-organisa sila, at magkaroon ng pagmamay-ari sa estero na naninilbihan sa kanila. Madaling sabihing ipadala sila sa mga “relocation site” pero mas pinapadali lang din ng mga nag re-relocate ang kanilang mga buhay. Hindi dahilan ang kawalan ng lupa sa mga siyudad tulad sa Maynila. Talagang hindi lang sila binibigyan ng espasyo kasi nandyan na ang mga malls at condo. Wala pa ring lupa? Kung patuloy pa rin silang ituturing na problema mas lalong lulubog sa maraming tanong ang bansa.

Kaya hindi na nakakagulat kung bakit binabaling ng maraming sa atin ang kanilang isipan sa ibang bagay. Dahil ang mismong mga nakakaintindi ay ayaw ipaintidi sa nakakarami ang mga sapot ng konseptong ito. Ang pagtingin at pagkilos ay mahalaga, basta ang karamihan ay nakikiisa sa pagbuo ng iisang tindig.

Mga pinagbatayan

ADB (2014) ASEAN Community 2015: Managing Integration for Better Jobs and Shared Prosperity. Kinuha mula sa http://wcm.adb.org/publications/asean-community-2015-managing-integration-better-jobs-and-shared-prosperity

Asis, Maruja M.B., (2008) “The Social Dimensions of International Migration in the Philippines: Findings from Research,” in Asis, M.M.B. and F. Baggio (eds.), Moving Out, Back and Up. International Migration and Development Prospects in the Philippines, Scalabrini Migration Center, Quezon City, 77‐108.