Bersyon sa pag gastos ng coins at ang ber months

Isang iglap lang puwede nang mawala. Isang pikit lang maaring dumaan lang sa iyong palad. Isang iglap sa pagitan ng bulsa at cashier. Isang iglap sa pagitan ng alkansya at bangko. Sa isang iglap ding ‘yun, maaring mawala ang isang taong pinag-ipunan, sa bangko man o sa ilalim ng kama. Padala man o sariling kita. Sa isang iglap mabilis dumaan at magpaalam. At ito lagi ang banta sa atin, tuwing papasok ang “ber”.

Isang malaking hamon para sa atin ang buwan ng mga “ber”. Ang kadalasan kasing kaakibat nito ay “beer” para sa ilang kalalakihan. “Ber”day para sa mga may kaarawan. At iba’t ibang “ber”syon ng ubos biyaya tuwing pasko, dahil iniisip nang lahat na karapatan nang bawat isa na magsaya, matapos ang isang taong paghihirap sa mga among walang “ber”syon ng saya kundi “ber”syon lang nang sermon at pag-aalila.

Sa ganitong panahon, mas malaking hamon ang kinakaharap ng ilan sa ating mga OFW. Malaki lagi ang inaasahan sa kanila ng kanilang mga pamilya. Inaasahan ng kanilang pamilya at komunidad na meron silang ipapadala, o kung uuwi man meron silang mga pasalubong. Dahil kung wala silang padala o pasalubong, malaking pagkatalo ang turing ng kanilang pag-alis (Aguilar Jr., 1999). Kaya naman, ang mga migrante ay naiipit sa mundo ng gastos at pagtingin ng ibang tao. Kaya pinupursigi silang gumasta. Dahil ang pagbibigay ay may kapalit na panalo o may ganting mabuti sa kanila (Eriksen, 2001). May kapalit na garantiyang panalo sila sa laban nang pangingibang bayan.

Walang may kasalanan. Lahat sangkot sa pagbuo ng ganitong kaisipan sa mundo ng mga OFW. Malaki rin kasi ang impluwensiya ng konsumerismo sa kaisipan ng mga pamilya. Kaya naging iisang daluyan ang mga perang pumapasok sa bansa, papalabas papunta sa mundo ng malls na itinuturing panalo, dahil ‘yun ang sabi ng Starbucks.

Pero nagbabago na rin ang panahon. May mga ilang hakbang na rin ang ginagawa para maiba ang ganitong klaseng pagtingin sa mga migrante. Para naman mas maging maagaan para sa mga migrante ang kanilang pag-alis. Nitong nakaarang Hulyo 8, 2015, inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang National Strategy for Financial Inclusion (http://www.bsp.gov.ph/downloads/publications/2015/PhilippinesNSFIBooklet.pdf. Nilalayon ng programang itong hikayatin ang mga tao na pumasok sa pormal na institusyon pagdating sa usaping pampinansyal. Pero malaking hamon pa rin ito, para sa mga taong nasa probinsya. Marinig pa lang ang salitang Maintaining Balance, sino bang gaganahan pang pumasok sa mga Rural Banks. Hindi pa kasama dyan ang iba’t ibang klase requirements para makapasok sa bangko.

Kaya naman, ilan sa ating mga OFW Families ay mas pinipiling pumasok sa impormal na institusyon tulad ng 5-6, na mas mabigat ang tubo, mas kaunti ang usapan, pero mas marami ang palitan. Paano nga mahihikayat ang mga OFW Families at OFWs na makipag-usap sa mga bangko nang walang takot sa mga mahahabang requirements at mabibigat na maintaining balance?

Tingin ko, malaki na ang magiging papel ng mga asosasyon sa ganitong pagkakataon (Orozco, 2009). Kung meron organisadong grupo ng mga OFW sa isang munispyo, maaring makipag-usap ang mga bangko sa kanila, at maari rin nilang maintindihan ang mga reklamo at tingin ng mga OFW tungkol sa pagbabangko.

Nakapagtataka rin, kung bakit nagsisiksikan ang mga Insurance Company sa siyudad, e mas maraming nangaingailangan sa mga munispyo. Mas bulnerable sila kung tutuusin kumpara sa mga Taga-Siyudad de Starbucks. Dahil hindi ba sapat ang kakahayan ng mga taga-munispyo magbayad sa mga insurance na ito, kaya hindi na sila pumupunta doon? O talaga hindi lang silang marunong makinig sa traumang pinagdaan ng mga taga-munispyo, OFW man o hindi, sa multo ng scam? Hindi pa kasama dyan ang trauma sa pagsasara ng mga rural banks.

Hindi lang din ito usapin nang kaalam sa paghawak ng pera. Dahil malaki ang epekto ng isang kultura kung paano gamitin ng isang komunidad ang isang bagay, kagaya ng pera. Pero, malamang nakaapekto rin ang isang bagay sa mga nakagawian ng isang tao, o sa mas madaling salita, ang bagay tulad ng pera ay maaring mabago ang mga kasanayan ng isang komunidad sa isang panahon.

Para sa mga pormal na institusyon tulad ng bangko, hindi lang ito usapin ng kaalaman o kakayahan magbayad. Dahil baka ang pamantayang pinaiiral ng ilan sa mga bangko ito ay base sa kanilang perspektibo, at labas o malayo sa lenggwahe ng mga taga-loob. Malaking ang pagkakaiba ng galaw ng ekonomiya sa siyudad at munispyo, at lagi nitong pinagbabatayan ang isang lugar at gawi ng kanyang komunidad.

Kaya naman. Merry Christmas sa ating lahat.

Mga pinagbatayan:

Aguilar Jr, F. (1999). Ritual passage and the reconstruction of selfhood in international labour migration. Sojourn: Journal of Social Issues in Southeast Asia, 14(1), 98–139.

Eriksen, Thomas Hylland (2001) Small Places, Large Issues: An Introduction to Social and Cultural Anthropology, Second Edition. London: Pluto Press

Orozco (2009) Hometown Association and Development: A look at ownership, sustainability, correspondence and replicability. Mula sa http://essays.ssrc.org/remittances_anthology/wp-content/uploads/2009/08/Topic_9_Orozco.pdf