Ugaling Copy-Paste

Delubyo kung ituring. Impyerno kung iisipin. Uubusin ang oras at ang kape ng tatay mo. Daig pa sa syota ang pagiging demanding. Hindi lang lakas ang kukuhain, pati laman ng isip mo aangkinin. Dagdag pa nito, kakainin din niya ang bill ng kuryenteng pinagkakatipid-tipid ng mga magulang mo. Ganun ang tingin ng mga gagradweyt sa tesis.

Mahal nga naman talaga mag-aral. Lalo kapag pinasok na ang usapin sa pagtatapos. Kalaban nang lahat ng estudyante at magulang ang pagsusulat ng tesis dahil sa gastos na babaha sa mga bahay. Ito ang pinakaiinis na yugto sa buhay estudyante lalo na para sa mga mahilig mag copy-paste. Kaya naman madalas sabaw ang nagiging resulta ng mga sinusulat ng estudyane. Aminado ako rito. Nagiging parausan lang ang tesis para makapagtapos. Hindi sineseryoso. Ginagawa lang ng mga estudyante para makatakas sa mundo ng eskwelahan, at maipamalaki sa kani-kanilang facebook account na gradweyt na sila. Paglabas nila ng eskwelahan, doon lang nila maiisip na malaking kalokohan pala ang pagwawalang bahala sa tesis na minsan nilang ginawang parausan.

Sasalaminin ng kasalukuyang estado ng pagsasawalang bahala sa tesis, ang mga research institution sa Pilipinas. Sa pag-aaral na ginawa ni Sir Angelito Calma, Funding for Research and Research Training and Its Effects on Research Activity: The Case of the Philippines, sa tulong ng mga interbyu mula sa administrator, ipinakita niya ang kahalagahan nang pagkakaroon ng pondo at pagpapalakas ng mga research centers sa mga unibersidad. Malaking banta pa rin ang kakulangan ng pondo para sa research. Pero bukod dito, binigyan niya rin nang diin ang kahalagahan ng training at pagtutok sa mga guro para gumawa ng research.

Naipakita ng kanyang datos na mas pinipili pa ng mga guro na magturo kaysa gumawa ng research. Kaya hindi lang ito usapin ng pondo. Maganda ang punto na kanyang sinabi dahil kung ganun ang sitwasyon, ano pa ang aasahan natin sa mga mag-aaral para seryosohin ang kanilang tesis kung ang kanilang mismong guro ay hindi gumagawa ng tesis?

Ang hindi lang naipakita ng husto sa pag-aaral ni Sir Calma, ay ang kalagayan ng mga undergraduate tesis ng mga estudyante. Ano ba ang itsura ng mga sinusulat nila? Ano ba ang kalagayan ng mga ito? Paano ba ito hinuhusgahan ng mga guro? Nag re-research ba ang mga guro na humuhusga sa mga papel na ito? Hindi na nga ito usapin kung may Phd o MA ka. Usapin na ito ng mga naisulat. Usapin na ng output.

May epekto ang ganitong gawi para sa mga estudyante pagpasok nila sa mundo na gusto nilang puntahan. At may epekto rin ito sa mga research office ng ating gobyerno. Kung papansinin, ang mga datos mula CHED, DEPED at TESDA ay magkakahiwalay. Kaya kung may pag-aaral kang ginagawa tungkol sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas, kailangan mo munang pumunta sa Diliman, Quezon City (CHED), Pasig (DEPED) at Taguig (TESDA), para makakalap ng datos. Magkano ang pamasahe papunta sa mga lugar na ito? Sa pagod pa lang aayaw ka na. Naisip nang gawin ng gobyerno dati na pag-isahin ang mga datos na meron sa mga opisina ng gobyerno. Pero nasaan ang mga hakbang na ito? Ang pag-iisa sa mga magkakamag-anak na datos ay mahalaga para mas masuri ang pagkakahawig, pagkakaiba at pagbabago.

Kapag nagtungo ka rin sa ilang opisina, mukhang hindi masyadong pinahahalagaan ang mga datos. Iba-iba pa rin ang ginagamit ng bawat opisina na software sa pag sasaayos ng kanilang mga datos. Madalas pa nga hindi naayos. Ang ibang datos, hindi pa nakikilala ang computer age.

Malaki ang respeto natin sa mga taong nagpapakamatay magtrabaho para sa gobyerno. Pero mataas din ang respeto natin sa mga datos na sasalamin sa mga nangyayari sa atin. Ito rin ang magiging gabay para sa mga planning officer sa pagbuo nila ng mga konseptong nagmula sa isang siyentipikong pag-aaral, o sa wika nila empirical-based o sa mas madaling salita; makatotohanan. Kaugnay nito, mahalagang tignan ang ugaling copy-paste sa pagsusuri sa mga datos. Dahil alam naman nating madaling pindutin ang delete at enter button sa kompyuter para maipakita ang ninanais na mukha ng mga datos.

Meron naman tayong mga Research and Development Division sa mga ahensiya. Pero mukhang tag-tuyot ang mga research output ng mga opisinang ito. Nagagamit ba ng husto ang mga nakatambak na datos sa mga opisinang ito? O sadyang nakakatamaran lang magsulat.

Mukhang hindi nga biro ang tesis na ginagawa natin sa undergrad. Kung tatamarin pa rin tayo at ipagpapatuloy ang ugaling copy-paste, paano tayo lilikha ng mga bagong ideya? Kaya sana ngayon, ang mga grade school student wag pag guputin ng mga litrato ng anyong lupa at tubig. Pagkatapos ididikit sa notebuk para tsekan ng titser.

Mga pinagbatayan
Calma, Angelito (2010) Funding for Research and Research Training and Its Effects on Research Activity: The Case of the Philippines. The Asia-Pacific Education Researcher 19:2 pp. 213-228