Pagbubukas ng mga bansa at komunidad

Maraming bagay ang sobrang hirap intindihin. Minsan kahit humingi na tayo ng sagot mula sa internet at kakilala, nasasabaw pa rin tayo. Tulad ng Association of  South East Asian Nation (ASEAN) Integration. Ano nga ba ito? Sabi nila malaki raw ang epekto nito sa Pilipinas dahil mas luluwag na ang paglabas-pasok ng mga produkto sa mga ASEAN member states. Malaki rin ang epekto raw nito sa mga maliliit na negosyo, kabilang ang mga kasamahan nating mga vendor. Pero kung malaki pala ang magiging epekto nito sa atin, bakit parang sila-sila lang ang nag-uusap? Bakit wala ang partisipasyon nang mas maapektuhan nang nasabing pagbubukas ng mga bansa sa isa’t isa? Nasaan ang mga representasyon ng mga komunidad sa nasabing pag-iisa? Hindi kaya, ito ay pag-iisa lang ng mga may malalaking negosyo? At mas lalo mainsantabi ang mukha ng mga maliliit na namumuhunan?

Bago pa man mauso ang mga ganyang teknikal na termino sa mundo, matagal na tayong bukas sa maraming bansa. Isang patunay na rito ang ating mga OFW. Noong 1970 (Asis, 2008), mas lalo pa napalakas ang paglalabas sa bansa ng mga OFW dahil kinailangan ng bansang Saudi Arabia ang mga trabahador sa pagbubukas na marami nilang kumpanya.

Kung ganun, madali lang pala ang ibig sabihin ng ASEAN-ASEAN na ‘yan. Pagbubukas ng mga bansa sa isa’t isa. Sa wika ng ilan sa akademya, “borderless world”. Pero bakit ang daming mga teknikal na pamamaraan pa ang pinaiiral? Dahil hindi ba magkaintindihan ang mga miyembrong bansa? Usapin ba ito ng pag gamit ng ingles o hindi? Kung ingles, bakit ang Japan mayaman pero hindi magaling mag ingles? At bakit iilan lang ang nakakaintindi kung tayong lahat pala ay apektado?

Ito na siguro ‘yung tamang panahon para mas magbigay tuon sa pag-oorganisa ng mga komunidad, at sabayan ng mga pananaliksik tungkol sa mga komunidad na ito. Ang dami-dami nating kinakaharap araw-araw pero walang tayong iisang tindig pagdating sa mga bagay na ito. Marami ring dahilan kung bakit. Pero meron dalawang problema na para sa akin ay mahalagang tignan at pag-usapan.

Una, dahil hindi kayang ilagay ng mga nasa posisyon ang usapin papunta sa mga komunidad. Kung makarating man, napakalabo pa. Sige nga paano mo ihahatid ang malaking usapin “kuno” ng ASEAN sa mga taong nakatira sa palengke ng Pritil, Tondo? Mahalagang unawin ang mga tao sa komunidad. Mahalang mapakinggan sila bago tayo maghatid ng mga banyangang konsepto at pananaw.

Pangalawa, hindi itinuturing na “stakeholders” ang mga nasa komunidad. Sa madaling salita, hindi sila pinakikinggan. Kailangan sila maging parte sa pagbuo ng mga mahahalang konseptong pang bansa. Halimbawa, ang mga komunidad sa tabi ng estero, na patuloy pa ring sinasabing malaking hamon sa kalikasan. Pero, diba mas magandang gawin natin silang “partners” sa paglilinis ng estero. I-organisa sila, at magkaroon ng pagmamay-ari sa estero na naninilbihan sa kanila. Madaling sabihing ipadala sila sa mga “relocation site” pero mas pinapadali lang din ng mga nag re-relocate ang kanilang mga buhay. Hindi dahilan ang kawalan ng lupa sa mga siyudad tulad sa Maynila. Talagang hindi lang sila binibigyan ng espasyo kasi nandyan na ang mga malls at condo. Wala pa ring lupa? Kung patuloy pa rin silang ituturing na problema mas lalong lulubog sa maraming tanong ang bansa.

Kaya hindi na nakakagulat kung bakit binabaling ng maraming sa atin ang kanilang isipan sa ibang bagay. Dahil ang mismong mga nakakaintindi ay ayaw ipaintidi sa nakakarami ang mga sapot ng konseptong ito. Ang pagtingin at pagkilos ay mahalaga, basta ang karamihan ay nakikiisa sa pagbuo ng iisang tindig.

Mga pinagbatayan

ADB (2014) ASEAN Community 2015: Managing Integration for Better Jobs and Shared Prosperity. Kinuha mula sa http://wcm.adb.org/publications/asean-community-2015-managing-integration-better-jobs-and-shared-prosperity

Asis, Maruja M.B., (2008) “The Social Dimensions of International Migration in the Philippines: Findings from Research,” in Asis, M.M.B. and F. Baggio (eds.), Moving Out, Back and Up. International Migration and Development Prospects in the Philippines, Scalabrini Migration Center, Quezon City, 77‐108.

Bersyon sa pag gastos ng coins at ang ber months

Isang iglap lang puwede nang mawala. Isang pikit lang maaring dumaan lang sa iyong palad. Isang iglap sa pagitan ng bulsa at cashier. Isang iglap sa pagitan ng alkansya at bangko. Sa isang iglap ding ‘yun, maaring mawala ang isang taong pinag-ipunan, sa bangko man o sa ilalim ng kama. Padala man o sariling kita. Sa isang iglap mabilis dumaan at magpaalam. At ito lagi ang banta sa atin, tuwing papasok ang “ber”.

Isang malaking hamon para sa atin ang buwan ng mga “ber”. Ang kadalasan kasing kaakibat nito ay “beer” para sa ilang kalalakihan. “Ber”day para sa mga may kaarawan. At iba’t ibang “ber”syon ng ubos biyaya tuwing pasko, dahil iniisip nang lahat na karapatan nang bawat isa na magsaya, matapos ang isang taong paghihirap sa mga among walang “ber”syon ng saya kundi “ber”syon lang nang sermon at pag-aalila.

Sa ganitong panahon, mas malaking hamon ang kinakaharap ng ilan sa ating mga OFW. Malaki lagi ang inaasahan sa kanila ng kanilang mga pamilya. Inaasahan ng kanilang pamilya at komunidad na meron silang ipapadala, o kung uuwi man meron silang mga pasalubong. Dahil kung wala silang padala o pasalubong, malaking pagkatalo ang turing ng kanilang pag-alis (Aguilar Jr., 1999). Kaya naman, ang mga migrante ay naiipit sa mundo ng gastos at pagtingin ng ibang tao. Kaya pinupursigi silang gumasta. Dahil ang pagbibigay ay may kapalit na panalo o may ganting mabuti sa kanila (Eriksen, 2001). May kapalit na garantiyang panalo sila sa laban nang pangingibang bayan.

Walang may kasalanan. Lahat sangkot sa pagbuo ng ganitong kaisipan sa mundo ng mga OFW. Malaki rin kasi ang impluwensiya ng konsumerismo sa kaisipan ng mga pamilya. Kaya naging iisang daluyan ang mga perang pumapasok sa bansa, papalabas papunta sa mundo ng malls na itinuturing panalo, dahil ‘yun ang sabi ng Starbucks.

Pero nagbabago na rin ang panahon. May mga ilang hakbang na rin ang ginagawa para maiba ang ganitong klaseng pagtingin sa mga migrante. Para naman mas maging maagaan para sa mga migrante ang kanilang pag-alis. Nitong nakaarang Hulyo 8, 2015, inilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang National Strategy for Financial Inclusion (http://www.bsp.gov.ph/downloads/publications/2015/PhilippinesNSFIBooklet.pdf. Nilalayon ng programang itong hikayatin ang mga tao na pumasok sa pormal na institusyon pagdating sa usaping pampinansyal. Pero malaking hamon pa rin ito, para sa mga taong nasa probinsya. Marinig pa lang ang salitang Maintaining Balance, sino bang gaganahan pang pumasok sa mga Rural Banks. Hindi pa kasama dyan ang iba’t ibang klase requirements para makapasok sa bangko.

Kaya naman, ilan sa ating mga OFW Families ay mas pinipiling pumasok sa impormal na institusyon tulad ng 5-6, na mas mabigat ang tubo, mas kaunti ang usapan, pero mas marami ang palitan. Paano nga mahihikayat ang mga OFW Families at OFWs na makipag-usap sa mga bangko nang walang takot sa mga mahahabang requirements at mabibigat na maintaining balance?

Tingin ko, malaki na ang magiging papel ng mga asosasyon sa ganitong pagkakataon (Orozco, 2009). Kung meron organisadong grupo ng mga OFW sa isang munispyo, maaring makipag-usap ang mga bangko sa kanila, at maari rin nilang maintindihan ang mga reklamo at tingin ng mga OFW tungkol sa pagbabangko.

Nakapagtataka rin, kung bakit nagsisiksikan ang mga Insurance Company sa siyudad, e mas maraming nangaingailangan sa mga munispyo. Mas bulnerable sila kung tutuusin kumpara sa mga Taga-Siyudad de Starbucks. Dahil hindi ba sapat ang kakahayan ng mga taga-munispyo magbayad sa mga insurance na ito, kaya hindi na sila pumupunta doon? O talaga hindi lang silang marunong makinig sa traumang pinagdaan ng mga taga-munispyo, OFW man o hindi, sa multo ng scam? Hindi pa kasama dyan ang trauma sa pagsasara ng mga rural banks.

Hindi lang din ito usapin nang kaalam sa paghawak ng pera. Dahil malaki ang epekto ng isang kultura kung paano gamitin ng isang komunidad ang isang bagay, kagaya ng pera. Pero, malamang nakaapekto rin ang isang bagay sa mga nakagawian ng isang tao, o sa mas madaling salita, ang bagay tulad ng pera ay maaring mabago ang mga kasanayan ng isang komunidad sa isang panahon.

Para sa mga pormal na institusyon tulad ng bangko, hindi lang ito usapin ng kaalaman o kakayahan magbayad. Dahil baka ang pamantayang pinaiiral ng ilan sa mga bangko ito ay base sa kanilang perspektibo, at labas o malayo sa lenggwahe ng mga taga-loob. Malaking ang pagkakaiba ng galaw ng ekonomiya sa siyudad at munispyo, at lagi nitong pinagbabatayan ang isang lugar at gawi ng kanyang komunidad.

Kaya naman. Merry Christmas sa ating lahat.

Mga pinagbatayan:

Aguilar Jr, F. (1999). Ritual passage and the reconstruction of selfhood in international labour migration. Sojourn: Journal of Social Issues in Southeast Asia, 14(1), 98–139.

Eriksen, Thomas Hylland (2001) Small Places, Large Issues: An Introduction to Social and Cultural Anthropology, Second Edition. London: Pluto Press

Orozco (2009) Hometown Association and Development: A look at ownership, sustainability, correspondence and replicability. Mula sa http://essays.ssrc.org/remittances_anthology/wp-content/uploads/2009/08/Topic_9_Orozco.pdf

Maghahayo (Maikling Kuwento)

Ililipat na siya sa kabilang barangay. Ako pang nautusan magbitbit ngayon. Paulit-ulit sinasabi sa ’kin ni nanay na hawakan ko daw ‘to ng mabuti, at baka malaglag. Ilang kanto pa naman ang layo ng Pacheco buhat sa amin.

Isang linggo din sa bahay ang rebulto. Nadagdagan ang pigurin namin sa bahay tuwing bertday niya. Nilalagay madalas ang inakyat na rebulto sa tabi pa ng ibang pigurin ng mga anghel sa taas ng tv.

Isang linggo din pinagdadasal namin ang rebulto. Umuuwi kami ng maaga. Magdadasal daw. Buti na lang baba na ‘to ngayon. Balik ulit sa dati.

“O Jm buhatin mo na ‘to. Sa pwetan ang hawak a.”

“Sige po. Sa’n po ‘to i-aakyat ngayon?”

“Sa Pacheco ngayon ‘yan. Kaya hawakan mong mabuti. Wag ka na masyadong
magharot kang bata ka, at ‘di biro ‘yang bitbit mo ngayon. Walang magbibitbit ngayon ‘yan.

“E nay ba’t ‘di na lang natin i-sidecar”

“Ano ka bang bata ka, ‘di ‘yan sina-sidecar. Iilaw nga e. Pa’no makita ‘yan ng mga iilaw kung si-sidecar mo. Sige na, ilabas mo na ‘yan. Ikaw dapat ang nasa unahan.

Ba’t kasi hindi na lang sila mismo ang mag buhat. Tulong-tulong sila imbis na kandila ang hawak nila.

Nakalabas na ng bahay ‘yung ibang mag iilaw. Nasa isang kamay ‘yung kandila, sa kabila naman ‘yung tinapay. Sa tuwing magbaba kasi sa bahay, kahit ‘di bertday ni nanay laging me pagkain.

Sabi naman sa ‘kin ni nanay nasa inaakyatan kung maghahanda sila o hindi. P’wede naman palang ‘di maghanda, pero ‘tong si nanay nangungutang pa para lang may maihanda sa tuwing may panik sa bahay.

“Ke’langan naman dapat talaga. Nakakahiya naman sa mga papanik sa ‘tin. Naku, ganyan ‘yung napanikan namin nung ‘sang araw. Kahit ano wala. Di na ulit ako sasama ‘pag du’n ang baba”

Minsan nagtataka na lang ako. Ano ba talaga ang pinupunta nila?

Madalas akong sinasama sa mga ilaw-ilaw dito ni nanay. Kaya kung saan-saan na din akong nakarating na lugar.

Marami na din akong natikman klase ng tinapay at pansit. Pero bago magkainan, nagdadasal muna sila nanay. Meron pa silang k’wentuhan. Sabihan ng sama ng loob nila sa buhay. Sinasaway ako madalas ni nanay ‘pag nakikipaglaro na sa ako sa ibang batang sinama din ng nanay nila.

Bukod sa pagbaba ng rebulto marami ding ginagawa sila nanay. ‘Sinama ako ni nanay dati sa Francisco. Me sakit daw na cancer ‘yung pinuntahan namin.

“Itaas natin ang mga kamay natin kay brother. Alisin mo po ang sakit sa kanyang kalamnan. Pagalingin mo siya sa tulong ng iyong kapangyarihan” sabi ng isang babaeng naiiba ang suot sa karamihan. Siya lang lagi ang naiiba kela nanay.

“Nay, ba’t parang iba lagi suot niya”

“A, siya kasi ‘yung elder namin. Mabait ‘yan. Madaling kausap. Kapag nanghihiram ako ‘di nagdadal’wang isip ‘yan.

Habang nakataas ang kamay ng karamihan. Nakikitaas na din ako. ‘Di ko alam. Ginaya ko sila. Sana itaas din nila ang kanilang mga kamay kay nanay.

Parang ang layo na ng narating namin. Lalo siyang bumibigat. Parang wala na akong maramdaman. May kuryente.

May napuntahan na din kaming patay ni nanay. Siyam na araw nilang dinadasalan ‘yun sa bahay ng namatayan. Minsan sa mismong burol sila nagdadasal. Pag sa patay madalas kasama ‘yung elder nila. Du’n ko din narinig si nanay na tinawag ang kanilang sarili bilang “sundalo”.

Di ko alam ba’t sundalo. Sundalo nino? A, ewan. Basta sana ‘di na ulit ako pagbuhatin.

Sa bawat kanto na madaan naming lahat tumitingin. Sa Pitong Gatang ‘di lang tingin. May humahawak pa. Bumibigat lalo.

Ilang kanto na lang. Malapit na din ‘ata mapigtas ‘yung tsinelas ko. Yung mga nagdadasal naman sa likuran ko para akong sinasabihan na konti na lang habang may hawak-hawak silang kandila.

Bigla ako sumigla nung makita ko na ‘yung Pacheco. Pag liko namin sa kanto pumasok kaagaad sa isang eskinita. Mas masikip nga lang ‘to kesa sa ‘min. May mga naglalaba pa din ng ganung oras sa eskinitang ‘yun. Dahan-dahan.

May mga nakaparadang motor na mas lalong nagpapahirap sa pagdala ko. Me mga humawak ulit. Konti na lang ‘to. Narinig ko ang boses ni nanay. Bandang dulo.

“Jm! Jm! D’yan tayo sa may green na geyt.

May babaeng nakangiting sumalubong sa ‘min kaagad. Mukhang alam na niyang dadating kami. Naka-daster at mukha ng nanay.

“Halika pasok”

Humakbang ako dahan-dahan. Mga tatlong hakbang din ‘yun bago ka makapasok sa bahay. Sa may gawing kanan nand’un ‘yung la mesa na walang laman. Du’n tinuro ng babae kung sa’n ko lalagay ‘yung rebulto.

Sa kaliwa naman makikita mo ang hilera ng mga tinapay. Gusto kong kumuha.

Nilapag ko ang rebulto. Namumula ang mga kamay ko. May kuryenteng dumadaloy sa kanan at kaliwa. Nagtutuluan na sa sahig ‘yung kandila ng mga umilaw.

Bigla na naman akong tinawag ni nanay.

“Hawakan mo muna ‘tong bag ko.”

Mabigat. Walang zipper kaya makikita mo ‘yung nasa loob. Medyo malamig. Pag silip ko limang tinapay at juice.

Habang kinakamot ko ang leeg ko, tinanong ko ang kanina ko pang binubuhat.

“Akala ko ba ikaw ang magdadala ng lahat?”

Hindi siya sumagot.

Biglang siyang napahiga. May sumigaw.

Nakita ko na lang na gumugulong na ang ulo niya sa gitna ng mga nagtutuluang kandila.

Ugaling Copy-Paste

Delubyo kung ituring. Impyerno kung iisipin. Uubusin ang oras at ang kape ng tatay mo. Daig pa sa syota ang pagiging demanding. Hindi lang lakas ang kukuhain, pati laman ng isip mo aangkinin. Dagdag pa nito, kakainin din niya ang bill ng kuryenteng pinagkakatipid-tipid ng mga magulang mo. Ganun ang tingin ng mga gagradweyt sa tesis.

Mahal nga naman talaga mag-aral. Lalo kapag pinasok na ang usapin sa pagtatapos. Kalaban nang lahat ng estudyante at magulang ang pagsusulat ng tesis dahil sa gastos na babaha sa mga bahay. Ito ang pinakaiinis na yugto sa buhay estudyante lalo na para sa mga mahilig mag copy-paste. Kaya naman madalas sabaw ang nagiging resulta ng mga sinusulat ng estudyane. Aminado ako rito. Nagiging parausan lang ang tesis para makapagtapos. Hindi sineseryoso. Ginagawa lang ng mga estudyante para makatakas sa mundo ng eskwelahan, at maipamalaki sa kani-kanilang facebook account na gradweyt na sila. Paglabas nila ng eskwelahan, doon lang nila maiisip na malaking kalokohan pala ang pagwawalang bahala sa tesis na minsan nilang ginawang parausan.

Sasalaminin ng kasalukuyang estado ng pagsasawalang bahala sa tesis, ang mga research institution sa Pilipinas. Sa pag-aaral na ginawa ni Sir Angelito Calma, Funding for Research and Research Training and Its Effects on Research Activity: The Case of the Philippines, sa tulong ng mga interbyu mula sa administrator, ipinakita niya ang kahalagahan nang pagkakaroon ng pondo at pagpapalakas ng mga research centers sa mga unibersidad. Malaking banta pa rin ang kakulangan ng pondo para sa research. Pero bukod dito, binigyan niya rin nang diin ang kahalagahan ng training at pagtutok sa mga guro para gumawa ng research.

Naipakita ng kanyang datos na mas pinipili pa ng mga guro na magturo kaysa gumawa ng research. Kaya hindi lang ito usapin ng pondo. Maganda ang punto na kanyang sinabi dahil kung ganun ang sitwasyon, ano pa ang aasahan natin sa mga mag-aaral para seryosohin ang kanilang tesis kung ang kanilang mismong guro ay hindi gumagawa ng tesis?

Ang hindi lang naipakita ng husto sa pag-aaral ni Sir Calma, ay ang kalagayan ng mga undergraduate tesis ng mga estudyante. Ano ba ang itsura ng mga sinusulat nila? Ano ba ang kalagayan ng mga ito? Paano ba ito hinuhusgahan ng mga guro? Nag re-research ba ang mga guro na humuhusga sa mga papel na ito? Hindi na nga ito usapin kung may Phd o MA ka. Usapin na ito ng mga naisulat. Usapin na ng output.

May epekto ang ganitong gawi para sa mga estudyante pagpasok nila sa mundo na gusto nilang puntahan. At may epekto rin ito sa mga research office ng ating gobyerno. Kung papansinin, ang mga datos mula CHED, DEPED at TESDA ay magkakahiwalay. Kaya kung may pag-aaral kang ginagawa tungkol sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas, kailangan mo munang pumunta sa Diliman, Quezon City (CHED), Pasig (DEPED) at Taguig (TESDA), para makakalap ng datos. Magkano ang pamasahe papunta sa mga lugar na ito? Sa pagod pa lang aayaw ka na. Naisip nang gawin ng gobyerno dati na pag-isahin ang mga datos na meron sa mga opisina ng gobyerno. Pero nasaan ang mga hakbang na ito? Ang pag-iisa sa mga magkakamag-anak na datos ay mahalaga para mas masuri ang pagkakahawig, pagkakaiba at pagbabago.

Kapag nagtungo ka rin sa ilang opisina, mukhang hindi masyadong pinahahalagaan ang mga datos. Iba-iba pa rin ang ginagamit ng bawat opisina na software sa pag sasaayos ng kanilang mga datos. Madalas pa nga hindi naayos. Ang ibang datos, hindi pa nakikilala ang computer age.

Malaki ang respeto natin sa mga taong nagpapakamatay magtrabaho para sa gobyerno. Pero mataas din ang respeto natin sa mga datos na sasalamin sa mga nangyayari sa atin. Ito rin ang magiging gabay para sa mga planning officer sa pagbuo nila ng mga konseptong nagmula sa isang siyentipikong pag-aaral, o sa wika nila empirical-based o sa mas madaling salita; makatotohanan. Kaugnay nito, mahalagang tignan ang ugaling copy-paste sa pagsusuri sa mga datos. Dahil alam naman nating madaling pindutin ang delete at enter button sa kompyuter para maipakita ang ninanais na mukha ng mga datos.

Meron naman tayong mga Research and Development Division sa mga ahensiya. Pero mukhang tag-tuyot ang mga research output ng mga opisinang ito. Nagagamit ba ng husto ang mga nakatambak na datos sa mga opisinang ito? O sadyang nakakatamaran lang magsulat.

Mukhang hindi nga biro ang tesis na ginagawa natin sa undergrad. Kung tatamarin pa rin tayo at ipagpapatuloy ang ugaling copy-paste, paano tayo lilikha ng mga bagong ideya? Kaya sana ngayon, ang mga grade school student wag pag guputin ng mga litrato ng anyong lupa at tubig. Pagkatapos ididikit sa notebuk para tsekan ng titser.

Mga pinagbatayan
Calma, Angelito (2010) Funding for Research and Research Training and Its Effects on Research Activity: The Case of the Philippines. The Asia-Pacific Education Researcher 19:2 pp. 213-228