Naalala ko pa noong nagsisimula pa lang ang ako magsulat. Hirap na hirap akong isulat ang letrang A. Galit na galit naman sa akin ‘yung tita kong nagtuturo, kasi hindi ko mapantay yung nasa gitna ng dalawang pahigang linya sa letrang A. Yun kasi ang pinakaimportanteng letra, dahil bukod sa maraming salitang nagsisimula sa letrang A, ito rin ang simula ng pangalan ko.
Noong natuto na akong magsulat, hindi pa rin natuwa ang tita ko. Wala kasi sa ayos ang mga salita. Magulo. Kung minsan, hanggang ngayon magulo pa rin ako magsulat. Hindi ko pa rin maisaayos kung ano ba ang dapat mauna sa mga nag uunahang ideya sa utak ko. Dito siguro papasok yung aspeto ng pagreresiba at pagbabasa.
Alam naman ng lahat yun. Pero hindi lahat ginagawa. Sa pagbabasa, nakakakuha ng iba’t ibang klase ideya, maraming klase ng ugali, pagkukuro mula sa iba’t ibang klaseng tao. Sabi nga ng isang manunulat, ang mga libro daw ay katumbas ng iba’t ibang personalidad.
Kung susundin ko ang ganung patingin, malamang totoo nga. Kung ang isang nagsusulat ay isang estudyante, malamang ang mga sinusulat niya ay tungkol sa buhay eskwela. Kung working student, edi eskwela-trabaho ang kanyang isusulat. Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay nangyayari ‘yun.
Kung sa pananaliksik, minsan ang kanyang sinusulat ay malayo sa kanyang pagkatao, kundi sa pagkatao ng kanyang pinag-aaralan. Makikita ang mga ganitong klaseng pagsusulat lalo na sa mga nag-aaral sa kumunidad o pamanayan. Iniiwasan kasi ng mananaliksik na matabunan nang husto boses ng kanyang pinag-aaralan. Sinubukan niyang dumistansya, upang mas mapalitaw ang boses ng pamayanan. Pero, hindi rin minsan maiiwasan talagang magbigay ng sariling pagtingin, dahil kailangan din naman ito sa ibang bahagi ng pag-aaral. Lalo kapag sobrang matagal ka nang nakalubog sa kuminidad na iyong pinag-aaralan, dahil pakiramdam mo, parte ka na ng kanilang pang araw-araw. Pero hindi pa rin.
Dito na papasok ang kahalagahan ng mga datos at babasahin para sa pagsusulat, hindi lang sa pananaliksik, kundi sa kahit anong klaseng pagsulat. Mahalagang maiparinig din natin ang mismong boses sa pagsusulat, tulad nga ng sinabi kanina, nandito sa sinusulat natin ang ating personalidad. Mahalaga rin ang ating sinusulat ay merong pinagbabatayan. Kumbaga bago ka maghatol, maganda ‘yung meron kang ebidensya sa bawat bitaw. Mahirap kasi kapag nanggagaling sa lang sa sariling pagkukuro lahat ng impormasyon, ikaw mismo minsan hindi mo na maintindihan ang sarili mo. Naalala ko si Gay Talese (1992) sa kanyang sinulat na “Unto the Sons”. Ito ang libro tungkol sa kanyang Italyanong Amang nasama sa ikalawang digmaang pandaigdig. Nagpunta siya sa bansa ng kanyang Ama, para kumuha ng datos mula sa mga kamag-anak, sulat, personal na dyornal at interbyu. Idinuktong niya ang sariling pinagdaan ng kanilang pamilya sa mga malalaking isyu ng kanilang panahon. Hinubog ni Talese ang mga ideya, mula sa pananaliksik. Ang mga gusali, bintana, pangalan ng lugar at iba pa, ay hindi hango sa kanyang sariling isip. Ito ay nagmula sa kanyang mahabang pag-aaral sa bayang pinanggalingan ng kanyang ama.
Masarap magsulat ng mga bagay na alam mong kaya mong panindigan dahil nilunod mo sa mga datos mula sa pananaliksik ang detalye ng iyong sinulat.