May mga ilang bagay na tinitignan nang walang halaga dahil wala itong pakinabang sa kanila. Nakabatay minsan ang pagbibigay natin ng halaga sa isang bagay, pangyayari o tagpo kung meron itong magandang idudulot sa atin, o kung meron tayong gustong patunayan. O kung sa mas mabigat na salita, ipaglaban. Pero sa huli, nakabatay pa rin sa atin ang desisyon. Tayo pa rin ang maghuhusga kung anong trip nating gawin.
Noong unang linggo ng Agosto, naganap ang pinakaaabangang pagtatagpo ng magagaling na DOTA teams sa mundo. Sa Seattle, ginanap ang nakaraang The International 5 (TI5) kung saan naglaban ang mga pinakamagagaling na DOTA 2 teams para sa 6 na milyong dolyar. Para sa iba, walang halaga. Pero sa mga dumalo at lumahok, ito raw ang buhay nila. Karamihan sa mga manlalaro ay nag-aaral. Meron mga manlalaro tulad ni Eternal Envy ng Cloud 9 na pinagliban muna ang pag-aaral pansamantala para sa paglalaro ng DOTA, pero sa kabila nito ay nakakakuha pa rin siya ng A+ na grado sa eskwelahan. Si Suma1l, 16 taong gulang, ang pinakabatang manlalarong nagwagi sa TI, ay kasalukuyang nasa hayskul. Kakaiba rin ang motibasyon ng mga manlalarong ito para ituloy ang DOTA, at hindi talikuran ang nakasanayang pagpasok sa institusyon at edukasyon.
Sa Finals, nagharap ang Evil Geniuses ng Amerika at CDEC Gaming ng China. Nakakatuwa lang isipin na kahit sa e-sports patuloy na magkalaban ang Amerika at China. Hindi lang ito basta labanan ng pinakamagagaling na DOTA player, kundi ang pagpapakita nang husay ng internet connection at imprastraktura, na meron ang dalawang bayan na ito. Sa huli, nagwagi ang Evil Geniuses ng Amerika. Pero hindi puwedeng isantabi ang husay ng CDEC, dahil nagmula sa “amateur bracket” ang koponan na ito. Walang nakakakilala kung sino sila, bukod sa mga kapwa nila Chinese DOTA players.
6 na milyong dolyar. Ngayon, mas naiintindihan na siguro natin kung ano nga ba talaga ang halaga ng DOTA para sa mga manlalarong ito. Pero bukod sa kasikatan at pera, meron din mahalagang tignan sa kasalukuyang lagay ng mga manlalaro natin ng DOTA. Ang e-sports sa Pilipinas ay hindi pa rin ganun binibigyan ng halaga. May problema tayo sa pagkilos para makilala ito, pero hindi na atin alam saan magsisimula. May problema tayo sa pagtingin, hindi natin alam kung ano ba talaga ang problema. Meron ng mga bootcamp para sa iilang team natin, pero sasapat na ba ang mga ito para makalabas tayo sa South East Asia, at lumahok sa mas malalaking DOTAhan sa mundo? Paano ba naitatawid ng mga manlalaro natin ang sobrang bagal ng internet connection sa Pilipinas? Paano nila napagsasabay ang pag-aaral at DOTA? Ano nga ba talaga ang mas mahalaga?
Siguro, nasagot na natin ang problema sa isyu ng lugar. Kung lugar lang ang pag-uusapan, marami na tayong pwedeng gawing bootcamp. Napakaraming computer shop sa Pilipinas. Sa sobrang dami, lahat nag-aagawan ng internet connection.
Bukod dito, kung titignan ang mga nakaraang nanalong team sa TI, masasabi natin na bukod sa mahusay ang kanilang pag konek sa World Wide Web, suportado sila ng mga maraming organisasyon. At ang mga manlalaro ay may pagkiling pa rin sa edukasyon.
Sa huli, maiisip natin na hindi lang ito basta usapin ng lugar at internet connection. Usapin din ito ng pagpapahalaga sa mga manlalaro, at pagpapahalaga ng mga manlalaro sa kasalukuyang nangyayari sa atin. Hindi sapat ang pagiging isang DOTA player kung DOTA lang ang iniisip niya. Mas lalong hindi sapat kung ang imprastraktura lang ang ating titignan, dahil kung ito lang, malamang hindi rin sapat ang magiging solusyon.
[Update] Mga kaganapan netong nakaraan lang: https://www.facebook.com/photo.php?fbid=10201000955704050&set=a.1419167217149.41759.1771736401&type=1&fref=nf