Sa tuwing nagsusulat, bukod sa iniisip natin kung ano ang magiging paksa, isinasaalang-alang din natin ang magiging tugon ng mambabasa. Dahil dito, nagiging mapatmatyag tayo sa pagsasama ng mga iba’t ibang ideya. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano ililipat ang mga ideya mula sa ating isip sa tulong nga mga salita. Kung ganoon, magkakasama sa ating sinusulat ang pagbibigay halaga sa mambabasa, salitang ginagamit, at pagsasaayos ng mga ideya mula sa isip at karanasan.
Dahil may pagbibigay halaga tayo sa tugon ng ating mambabasa, minsan ito rin ang nagiging batayan kung paano natin paghahandaan ang mga susunod na proyekto. Kung nagustuhan, maaring panatilihin natin ang mga nagamit na teknik kung paano nila ito nagustahan, at kung paano pa mapapabuti sa pamamagitan ng pagrerebisa. Kung hindi naman, nag-iisip ng mga bago at kung anu-anong paraan para mas makalapit pa sa kanila, nang hindi binibitiwan ang mga pinanghahawakan ng ating kaisipan. Para sa katulad nating nasa tinatawag na “indie publishing”, mas madaling nating naririnig ang komento mula sa kanila. Sila ang labas sa grupo na iyong kinabibilangan. Sila ang madalas mong makitang sumasakay sa jeep, at pumapasok sa eskwela at opisina. Isama mo na rin mga kamag-anak at kapitbahay na pilit mong hinihingan ng komento sa tuwing may bago kang labas na trabaho. Sa madaling salita, ‘yung mga pinagbebentahan natin.
Sa tulong ng lumalagong mundo ng “social media” mas lalo tayo napalit sa kanila. Mas naririnig na natin ang mga komento nila sa pinakamabilis na paraan. Kaya mas mabilis tayong nakakapag-isip kung ano nga ba ang mga dapat gawin sa susunod. Ang madalas nating mga tanong kapag kaharap ang uri ng mambabasa na ito ay: anong paksa dapat sa susunod ang aking isusulat?, naging kawili-wili kaya ang artwork at layout?, madali ba nila akong naintindihan?
Pero bandang huli naman, ikaw pa rin bilang manunulat ang magtatakda ng lahat kung anong gustong paksa ang gusto mong talakayin. Kung anong paraang ang gustong mo gawin. Nasa iyo pa rin. At kung ano nga ba ang sinasabi ng panahon mo.
Pero bago tayo pumunta sa magiging mambabasa natin, nagiging katuwang din natin ang ating mga kasamahan sa pagsusulat. Samakatuwid, sila ang pangalawa nating mambabasa. Bago ilabas ang ating mga nilikha, sila rin ang pangalawang magiging taga-hatol, sunod sa iyon sarili. Sila ang unang pupuna sa ating mga likha, at tutulong kung paano ito mapapabuti. Sa tulong ng mga workshop, mas lalo tayong nag-iisip ng mga akmang salita. Mas lalo natin pinag-iisipan kung papaano mapapaayos ang mga ideya at karanasan na gusto nating ibahagi. Iba ang klase ng pagbibigay nila ng komento. Kung sa unang mambabasang ating tinukoy, madalas nating marinig ‘yung: “maganda, okay naman siya, puwede na rin”. Pero para sa sumunod, mayroon nang pagbibigay lalim. Dito na pupunahin ‘yung mga teknik na puwede nating gamitin, dahil hindi lang sila mambabasa, manunulat din sila. Kaya bawat galaw ng letra natin ay napupuna na nila. Lahat ng salita pinapansin. At higit sa lahat, nagiging matanong ang uri ng mambabasa na ito sa ating paksang tinatalakay. Ang mga kadalasang komento na maririnig natin sa kanila ay “ano ang proyekto mo?”
Sa tulong nila, hindi lang basta ang ayos ng layout at kung naiintindihan ba ang sinulat mo ang kanilang puna. Sila rin ang tumutulong sa mga babasahin at kasanayan. Sila ang magbibigay liwanag sa mga teoryang maaring mong magamit sa pagsusulat.
Sa dalawang nabanggit na mambabasa, halata naman labas sila sa sarili mong isip. Meron silang sariling karanasan at ideyang pinanggagalingan. Sa unang mambabasa ating tinukoy, nakabatay sila sa karanasan. Sa pangalawa, nakabatay sila sa teorya, paksa, karanasan at teknik.
Ang mambabasa hindi natin dapat kalimutan, siyempre, ang ating mga sarili. Tayo ang unang pumupuna kung malinaw ba o hindi ang gawa natin. Ang mga sarili natin ang unang naiinis at natutuwa sa mga trabaho. Minsan, bago natin ipakita sa iba sinusubukan natin maging malinaw kaagad sa mga ating sinusulat. Sarili natin ang unang nating nakakaaway bago pa man tayo awayin ng ibang tao. Ilang papel muna ang pupunitin. Ilang pindot pa sa delete bago tayo makuntento sa sinusulat. Pagkaraan ng workshop, aawayin na naman natin ang mga sarili, at tatanugin ang mga sarili “bakit nagkaganun?”
Sa sanaysay ni Stanley Fish na “Literature in the Reader”, nagbigay siya ng diin sa kahalagahan nang pagtingin sa pag gamit ng salita. Binibigyan niya ng diin ang pagtutok sa wika. Pero mukhang nakulong lang siya sa unang mambabasang ating tinukoy. Hindi na niya nabigyan pa ng halaga ang mga kapwa manunulat at sarili.
Tinutugon ng sanaysay ni Fish ang masusing pagtingin sa paggamit ng salita at wika. Inilahad niya ang kaugnayan ng karansang iniiwan ng bawat manunulat sa kanyang likha. Malinaw para sa kanya, na dapat mag-iwan ng karanasan ang mga salita natin. Sa kabila nito, hindi lang sapat ang pagtingin sa karansan na iniiwan mo sa mga iyong mambabasa. Magiging mainam din kung titingin sa mga sariling karanasang nailalagay sa mga likha. Dapat tignan din natin kung ano ang karanasang iniiwan nito sa atin bilang manunulat. May epekto ba sa atin mismong sarili at karansan ang ating sinusulat? May natutunan ba tayo sa mga sinusulat natin? O ginagawa lang natin ito para makaraos?
Bago natin isipin ang pag-iwan ng karanasan sa ating mambabasa, mahalaga rin ang pag tingin sa kasanayan sa pag gamit ng wika. Dahil paano mo iiwan ang mga karanasan na gusto mong ibahagi kung hindi pa ganap ang iyong pagkaunawa sa pag gamit mo ng wika. Ikaw ang magiging pinuno ng iyong wika, hindi lang dapat basta karanasan ang iyong dapat iiwan, pati ‘yung mga kasanayan na iyong natutunan.
Kaugnay ng tinatalakay ni Fish tungkol sa wika, mahalaga rin ang pagtingin sa pagkalkal ng mga nilalaman ng iyong salita. Malinaw naman. Dapat maging mapansin ka rin sa magiging epekto ng mga salitang inilalagay natin sa ating mga likha. Maaring maging iba ang dating nito kumpara sa ating mga sarili. Pero sa huli, sarili mo pa rin ang tatanungin mo. Ano ba ang naging sariling epekto ng salitang ito sa iyong personal na karanasan? Tayo pa rin ang may hawak ng ballpen. Tayo pa rin ang masusunod kung anong gusto nating maging epekto nito sa ating mambabasa. Pero bilang manunulat, isinasaalang-alang pa rin natin ang ayos ng mga ito.
Mahalaga ang pag-iwan ng karanasan sa mga iyong mambabasa, pero dapat mas mag-iwan ito ng karanasan sa iyo. Ito ‘yung karanasang hindi mo basta maipapaliwanag. Paano ka magbabahagi ng “karanasan” sa iyong mga salita at likha, kung ikaw mismo hindi mo nararansan ang pakiramdam na ito? Paano mag-iiwan ng marka sa iyong mambabasa ang iyong sinusulat, kung sa sarili mo mismo walang itong iniwan?
Bilang mambabasa ng sarili likha, mahalaga ring tignan ang mga paksang ating tinatalakay. Dahil bukod sa pagkakaroon ng malalim na pagkaunawa at karanasan sa pag gamit ng wika, ang paksang tinatalakay ay magbibigay din ng ibang karanasan sa loob at labas ng ating sarili. Dito tayo magsisimulang magbalik tanaw sa ating mga sariling karanasan. Dito natin mas mapapalalim ang ating sinusulat dahil kinuha natin ito sa sarili nating pagkaunawa at karanasan. Ganunpaman, mahalaga rin na pinag-aaralan natin ang paksa at hindi lang basta nagmula sa ating mga isipan. Dito mas nagiging makapangyarihan tayo sa mga likha natin. Mas nagiging kontrolado natin ang wika, imbis na tayo ang kontrolin nito.
Kaugnay din nang pagtingin sa paksa, ang boses at tono. Mahalaga rin ito sa pagtingin sa ating sinusulat. Dahil ito rin ang magbibigay ng pakiramdam sa buo nating likha. Ano bang boses ang gusto natin ilagay sa mga sinusulat natin? Nakaduktong sa pagtakda ng boses ang kahalagahan ng pag-aaral at pananaliksik sa mga boses na ating gagamitin. May mga karanasan at boses tayong gustong ibahagi. Pero hindi rin maalis ang kahalagan ng pag-aaral at pananaliksik sa boses na gusto nating ibahagi. Kung mahalaga ang pag-iiwan ng karanasan sa pamamagitan ng mga salita, mahalaga rin tignan kung anong boses meron ang mga sinusulat natin.
Bilang mambabasa ng ating sariling panulat, mahalaga na maunawaan muna kung ano ang dahilan bakit sinusulat ang isang paksa. May mga tanong sa isipan na “ano nga ba dapat ang unang alamin?”. Laging nagsisimula at nagtatapos sa mga tanong. Naging maganda ba ang epekto nito sa akin o sa iba? Bukod sa pagkakaroon ng malalim na pagkaunawa sa mga salitang gagamitin, mahalaga rin para sa akin ang masusing pag tingin sa boses na gagamitin. Kaya ko ba talaga isulat ang isang paksa na may kinakailangan ng ganitong klaseng boses? Kung hindi kaya, may mga remedyo pa ba akong kayang gawin? O palitan na lang ang paksang gustong kong talakayin. Tulad ng nasabi ko kanina, dito na papasok ang kahalagahan ng pag-aaral sa boses at paksang tatalakayin. Dito na papasok ang kahalagahan ng pakikibahagi rin sa mga boses na gusto nating isulat. Ang paglabas at pakikisalamuha sa mga paksang gusto nating isulat. Hindi lang basta nanganak sa isip ko ang mga tauhan. Bunga rin ito ng pakikipag-ugnay ng utak ko sa iba pang utak. Sa labas. Sa komunidad. Palagay ko, ito rin ang magbibigay hustisya sa mga tauhan ko.