Marami tayong piyesta. Sanay tayo sa mga masasayang pagsasalo-salo. Kapag may dumadating na kamag-anak mula abroad, kadalasan naghahanda ang pamilya nito. Kung minsan, pati ang komunidad ay nakikisama sa paghahanda. Isang senyales na sila’y kabahagi rin sa tagumpay ng kababayang galing sa labas.
Kapag Enero, sa Tondo, pinagdidiwang ang piyesta ng Sto. Niño. Halos lahat naghahanda. Maliit man o malaki. Pagtakatapos ng bagong taon at Pasko, karamihan sa mga taga-Tondo ay nagsisimula na ulit mang-utang o magtipid bilang paghahanda sa piyesta. Malaking bagay ito para sa kanila bilang simbolo nang pasasalamat. Simbolo rin ito ng kasiyahan sa gitna nang pang araw-araw na problema. At simbolo rin ito ng prestige sa mga kapitbahay. Isang mensaheng “kaya rin naming maghanda”.
Mahilig nga tayo sa mga ganitong event. Sa mga eskwelahan ay kadalasan may ganito rin. Sa UST meron taunang Paskuhan. Halos isang buong taon yata itong pinag-iisipan ng mga officers ng student council kung paano mas mahihigitan ang nakaraang paskuhan. Ang madalas inaabangan dito ng mga estudyante ay mga fireworks na maaring maging sanhi ng sunog sa mga karatig na bahay ng unibersidad. Pero hindi naman talaga mahalaga ‘yun para sa mga nanonood. Kamangha-mangha kasi ang liwanag sa pinasasabog ng mga paputok. Ang mahalaga maipakita ng unibersidad na kaya nilang gumasta ng ilang halaga para sa kasiyahan ng mga estudyante at mga nanonood sa labas ng unibersidad. Prestige.
Noong nakaraan, nagkaroon din ng pagdiriwang sa UP Diliman. Ang UP Fair ay taunang din ginagawa. Kaibahan lang nito sa paskuhan, puwedeng pumasok ang mga hindi estudyante ng UP basta magbabayad ka lang.
Halos isang linggo ang paghahanda sa venue. Sa gitna ng Sunken Garden, may mga nakaharang na yero. Sa loob nito halo-halo ang mga rides para sa mga nakapasok sa loob. Perya kumbaga ang tema. May mga banda rin silang iniimbita para pampataas ng mood ng mga estudyante. Hindi katulad sa UST. Mas madaling sabihin na halo-halo ang mga taong pumupunta rito. Hindi lang ito eksklusibo sa mga estudyante ng UP Diliman.
Dati. Simple lang ang UP Fair. Basta may banda lang na tugtog. Sasabayan ng mga estudyante. Open Field. Okay na. Wala pa masyadong mga rides. Kung tutuusin mas prestige para sa UP ang lantern parade, dahil dito mas naipapamalas ng mga estudyante ang kanilang pagiging malikhain at saloobin sa pambasang isyu.
Ang UP Fair din ay simbolo para mga estudyante ng UP nang kanilang malikhaing diwa. Sa labas ng Sunken Garden, makikita ang iba’t ibang artworks. Meron sa tapat ng Vargas. Meron sa tapat ng FC at Quezon Hall. At kung saan-saan pa.
Ang Pebrero ay buwan ng sining. Pero ito rin ang buwan para maging bukas ang unibersidad sa iba’t ibang aktibidad tulad nang UP Fair.
Pero hindi rin talaga maiiwasan ang pang-kalimut sa esensya ng mga selebrasyon na ito. Sa Tondo, kadalasan ang nangyayari nag-iinuman at nagkakasakitan. Ang masayang umaga ay mauuwi sa madugong gabi. Sa UST, ang mataimtim na misa ay nauuwi sa maiitim na pulbura. Sa UP, nauwi sa isang malaking basurahan ang Sunken Garden.
Malinaw naman sa atin na tinuring na nating basurahan ang bansa. Ang mga estero pa lang ay hindi na natin nirespeto noon pa man. Malamang ganito rin ang nangyari sa Sunken Garden. Ang lugar kung saan may nakikitang mag girlfriend-boyfriend na naglalambingan. Mga estudyanteng nagdidiskusyon tungkol sa maraming bagay. Pero kinaumagahan mga magkapatong na basura ang magkikita. Lumabas na rin sa social media ang pagkagulat at pagkainis ng ilang netizen na para sa kanila sagrado ang lugar na ito.
It seems that people who attended the event has no sense of ownership with the place. Kaya naman ganun na lang nila iniwan ang mga basura. Ano ba talaga ang problema? Dahil wala masyadong basurahan? Wala masyadong babala tungkol sa wastong pagtatapon ng basura? Nagkulang ba sa palala bago magsimula ang event?
Kinaumagahan, makikita na may mga naglilinis na estudyante. Nakakatuwa rin naman dahil may pagkukusa mula sa kanila. May kanya-kanya silang glabs para pulutin ang mga basura.
By just mere cleaning the sacred place will only reinforce the idea that somebody will take care of it, and ready for another exploitation.
Marami sila. Kaya naman wala pang pananghalian halos mababalik na sa dati ang Sunken. Bakas din ang mga gulong na bumaon sa paligid nito. Ang mga putik at mga bakas na naiwan sa gitna ng kalsada. Patunay na nagulo ang sistema at highway ng mga bulate sa ibaba at itaas ng Sunken.
Walang masama sa ganitong pagtitipon. Pero. By just mere cleaning the sacred place will only reinforce the idea that somebody will take care of it, and ready for another exploitation. Hindi lang natatapos sa paglilinis ng Sunken Garden ang kagustuhan ibalik ang pagiging sagrado nito. Minsan nang nawalan ang UP ng mga sagradong lugar tulad ng isang kantina at Faculty Center. Sigurado naman na ayaw natin ulit mawalan ng isang sagradong lugar.
Sana ibalik ang dating ritwal sa paggamit ng Sunken Garden. Hindi mahalaga ang mga rides kung ang kapalit nito ang pagwasak sa mga daan ng mga bulateng nanahimik mamuhay sa kanilang Edsa. Kung magpapatuloy ang mga ganitong pagtitipon, hindi lang bulate ang mawawalan ng kasiyahan. Pati ang mga naglalaro sa damuhan. Mga nagjojogging na nakikisinghot sa singaw ng damuhan. Kung talagang hindi kill joy ang mga nag-organisa, sana unang isipin kung paano mananatili ang Sunken sa anyong nagagamit ito ng mga estudyante bilang daluyan ng mga ideya. Mga lupang mauupuuan. Malinis na damuhan.
Ang tunay na prestige ng Sunken Garden ay ang maging paanakan ng mga hindi pang naipapanganak na mga ideya. Hindi kailanman ang mga event na isang aborsyonista at oportunista ng sagradong bahay-bata ng mga ideya.